KUMAKALAT na ang matagal na rin usap-usapan sa TV5, sa kaharian ni MVP, ang promotor at sponsor ng nakaraang CineFilipino Film Festival na parehong nanalong Best Films “Ang Huling Chacha ni Anita” ni Sigrid Andrea Bernardo at “Ang Kuwento ni Mabuti” ni Mes de Guzman.
Hindi ko napanood ang “Huling Chacha…” kaya ‘di ko masabi kung talaga ngang deserving ito. Pero malaki ang problema ng “Kwento ni Mabuti” kahit na masasabing medyo angat ito marahil kaysa ibang entries.
Naging malaking kuwento sa media at industriya ang pagkapanalo ng baguhang si Teri Malvar, ang 13-anyos na gumanap sa title role ni Anita na siyang tumalo sa title role rin na Mabuti ni Nora Aunor sa Best Actress category.
In fairness, tinanggap naman daw ni Nora ang kanyang pagkatalo at nagbigay-pugay pa sa gabi ng parangal na ginanap sa Resorts World Hotel and Casino sa Pasay City .
Ang latest chica tungkol sa nasabing issue ay isa lang umano ang nakuhang boto ni La Aunor sa pitong members ng jury na kinabibilangan nina writers-directors Jose Javier Reyes, Chris Martinez, award-winning actress Cherry Pie Picache, MediaQuest Prexy/CEO Emmanuel Lorenzana, foreign film critics Stephen Cremin and Max Tessier and one Roger Garcia (?).
Una ko nang nalaman na talagang ‘di ibinoto nina Javier Reyes at Martinez si Nora at iyon ay naisulat ko na sa nakaraang kolum. Kung gayon, sino lang ang bumoto sa 61-anyos na aktres? Posible bang si Cherry Pie o isa sa dalawang banyagang hurado? At ang CEO ng MediaQuest (TV5) at si Garcia, paano at sino ang ibinoto nila?
May kanya-kanyang dahilan ang jury members ng CineFilipino kung bakit iba at ‘di si Nora ang ibinoto nila. Napanood ko ang “Mabuti” at talagang gasgas at piga na ang ipinakitang acting ng senior star na nagpapa-coy pa sa ibang eksena. ‘Yan pa rin ang drama sa totoong buhay ni Guy—ang magpa-coy at pa-demure kuno, playing “underdog” to the hilt lalo na kapag siya’y nagsasalita sa publiko.
Panahon na upang ilabas ni Guy ang tunay niyang kulay maski sa pelikula lang. Hindi naman talaga siya “biktima” sa naging kapalaran niya. Sa halip, siya ang “kontrabida” at “nambiktima” sa buhay niya.
Samo’t sari ang mga kuwento mula sa Iriga, Sampaguita, Tower, NV, Atlas, Regal, Viva, ABS-CBN, America, Japan, TV5 at kung saan-saan pa sa iba’t ibang panahon at sa halos lahat ng bisyo.
Name it, she did it, she had it. From Las Vegas to Macau and everything else in between.
Dapat ibang papel naman ang gampanan ni Nora sa pelikula at ‘di na ‘yung lagi na lang dukha at nagdarahop, api-apihan at kawawa o kinawawa. Kaya tuloy her “sad and suffering” days both in films and in real life seem endless, dahil iyon at iyon din ang ginagawa at ginagampanan niya, thus perpetuating the “myth and misery” of her situation.
Papel na ng healer ang papel niya sa “Himala,” healer pa rin siya sa “Ang Kuwento ni Mabuti.” At “baog” at menopausal na siya sa “Naglalayag,” baog pa rin siya sa “Thy Womb.” At lagi siyang hirap sa mga pelikula niya. Lagi na lang ba siyang gano’n, ganito at gano’n pa rin?
Nakauuta na ang mga mata niyang ‘di naman kumikita sa takilya. Basically, negosyo ang pelikula at ang “art cinema” at pag-iinarte o pagpapaka-arte sa pelikula ay dala ng ibang agenda na kadalasa’y “self-serving” at di naman talagang nakatutulong sa industriya. (Itutuloy)
Art T. Tapalla