MA at PA
ni Rommel Placente
NAPATAWAD na raw ni Yayo Aguila si Baron Geisler matapos mag-sorry sa kanya ng personal.
Sa guesting ni Yayo sa talk show na Lutong Bahay ng GTV hosted by Mikee Quintos at Chef Hazelnatanong siya tungkol sa naging isyu sa kanila ni Baron ilang taon na ang nakararaan.
Ayon sa aktres, napatawad niya na si Baron.
“Oo naman (napatawad na). Nagkita na kami, years ago sa isang event ng showbiz, wala akong choice, nagkasalubong kami. Tapos binati niya ako, nag-sorry naman siya, nag-sorry siya sa ‘kin,” pahayag ni Yayo.
Patuloy niya, “Malaking bagay ‘yung it takes guts para makapag-sorry ka. Feeling ko naman sincere siya,”
Hinatulan ng guilty noong 2013, ng Makati Municipal Trial Court Branch 61 si Baron sa kasong acts of lasciviousness na isinampa ng anak nina Yayo at Willian Martinez na si Patrizha Martinez.
Pinatawan ni Judge Aleli Briones ng parusang pagkakulong ng minimum of six months at maximum of two years ang aktor. Bukod dito, pinagbayad din siya ng moral damages ng P30,000.
Taong 2008 nang sampahan ng kaso ni Patrizha si Baron dahil sa panghihipo nito sa kanya habang nasa isang bar sila sa Makati City.
Kuwento pa ni Yayo, sinabi niya sa anak na humingi sa kanya ng sorry si Baron nang magkita sila.
“Ayoko siyang i-judge pero ‘yung nag-sorry siya sa ‘kin, sinabi ko ‘yun sa daughter ko.
“Actually, ‘yung anak ko, sabi niya, ‘Ma, napatawad ko naman siya eh, pero hindi ko makakalimutan ‘yung ginawa niya.’ Ganoon din ‘yung stand ko.
“Napatawad naman na namin siya pero ayoko siya makatrabaho, ‘yung ganoon,” ayon pa kay Yayo.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com