ni Gerry Baldo
POSIBLENG maharap sa kasong plunder ang mga special disbursing officers (SDO) ni Vice President Sara Duterte dahil sa paglabag sa itinakdang proseso kaugnay ng paggamit ng confidential funds.
“If this was taken for personal gain, if it was proven fictitious and erroneous ‘yung ARs (acknowledgement receipts) to justify the taking of this amount, that could be malversation proper or worse, plunder kasi lampas na po ito sa P50 million,” ani 1RIDER Rep. Rodge Gutierrez sa isinagawang media briefing.
Sa pinakahuling pagdinig ng House Blue Ribbon Committee, lumabas na ang mga pondo ay ipinasa sa mga security officers imbes maayos na pamahalaan ng mga bonded SDOs na sina Gina Acosta ng Office of the Vice President at Eduard Fajarda, dating nasa Department of Education, sa ilalim ng direktang utos ng Ikalawang Pangulo.
Iginiit ng mga mambabatas na nilabag nito ang mga protokol ng gobyerno, partikular ang Joint Memorandum Circular ng 2015.
Ikinabahala ni Manila Rep. Joel Chua, chairman ng House Blue Ribbon Committee, ang posibleng pananagutan ng mga SDOs na responsable sa pagbabayad gamit ang confidential fund.
“Sa kanila inihabilin ‘yung pera at sila ‘yung bonded officer,” ayon kay Chua.
“Ang ibig sabihin po nyon, in the event na may mangyari do’n sa pera, sila po ‘yung mag-reimburse. Pero ang pinag-uusapan natin dito ay hindi ordinaryong pera. We’re talking here of P612.5 million,” dagdag ng mambabatas.
Binigyang-diin ni Chua na ang pagkakatiwala ng mga pondo sa mga hindi awtorisadong tao, kabilang ang mga security personnel, ay malinaw na paglabag sa mga protokol.
“Talagang dapat SDO ka kung saang ahensiya ka nagtatrabaho,” saad nito.
Binanggit ni House Assistant Majority Leader at Ako Bicol Rep. Raul Angelo “Jil” Bongalon, sa media briefing sa Kamara, ang mga iregularidad sa proseso ng disbursement.
“Makikita natin na may malinaw na paglabag sa Joint Memorandum Circular – 2015 dahil ang accountable officer doon ay ang SDO,” pahayag nito.
“Hindi nga iyon ang accountable officer, so doon pa lang malinaw na meron pong paglabag (sa batas),” dagdag ng mambabatas.
Kinondena ni House Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega V na tila nakakasanayan na ang mga iregularidad na gaya nito.
“They all know the irregularities na ginawa nila, inamin naman nila lahat ‘yun,” giit ni Ortega.
“Because they were too comfortable sa setup na ‘yun, parang wala na lang, hindi na sinusunod ‘yung protocols nila. I wouldn’t be surprised if hindi lang sa security ibinibigay ‘yan, baka kung sino-sino pa or driver na lang,” dagdag pa ng kongresista.
Ipinaliwanag ni Gutierrez na ang pagpapasa ng confidential funds sa mga security officers mula sa labas ng ahensiya ay hindi lamang paglabag sa mga patakaran ng proseso kundi nagbukas din ng malalaking puwang sa pananagutan.
“What have been delegated cannot be delegated further,” aniya.
“‘Yung bonded officer dito, ‘yung SDO dapat siya ‘yung responsable. Ngunit ipinasa pa po sa security officer na cannot even account to us now,” ayon pa sa mambabatas.
Itinuro ni House Assistant Majority Leader at Zambales Rep. Jay Khonghun na si VP Duterte ang may pinakamalaking pananagutan sa mga aksiyon na ito.
“Nakikita natin na lahat sila ay sumusunod lamang sa utos ng ating Bise Presidente. Kung may makitang kailangan may managot, kailangan akuin ng ating Bise Presidente ang pananagutan dito sa pagkukulang,” ayon kay Khonghun.
Idinagdag ni Ortega na ang pagiging bahagi ng mga tauhan mula sa labas ng mga civilian agencies, tulad ng militar, ay lalong nagpapahina sa kredibilidad ng proseso ng disbursement.
“Hindi sila sumusuweldo sa Office of the Vice President,” ayon pa kay Ortega, na ipinunto kung paanong magiging responsable ang mga tauhan na mula sa labas ng ahensiya sa confidential funds.
Nanawagan din ang mga mambabatas sa pagkakaroon ng reporma upang higpitan ang mga regulasyon ukol sa confidential funds at tiyakin ang accountability.
“We might push for legislation to really set the bounds and limitations ng mga SDOs natin and siguro stronger penalties for that responsibility,” ayon kay Gutierrez, na binigyang-diin ang pangangailangan ng mas mahigpit na mga mekanismo ng pangangasiwa.