BINIGYANG-DIIN ni Senador Win Gatchalian ang kahalagahang mapunan ang pagkukulang ng mga punong-guro sa mga pampublikong paaralan, bagay na makakamit kung babaguhin ang mga lumang polisiyang nananatili sa Department of Education (DepEd).
Mahigit kalahati ng mga pampublikong paaralan sa bansa ang walang punong guro. Sa isang pandinig na pinamunuan ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), iniulat ng DepEd na 20,718 lamang sa 45,918 pampublikong paaralan sa bansa ang napunan ng principal positions. Para sa natitirang 24,480 paaralan, Teachers-In-Charge ang nakatalaga na madalas nangangailangan ng karagdagang training at suporta.
Batay sa staffing parameters, mula pa noong 1997, mga punong-guro ang nakatalaga sa mga elementary schools na may siyam na guro at sa mga secondary schools na may anim na mga guro.
Ayon kay Undersecretary Wilfredo Cabral, isinasapinal na ng DepEd ang mga bagong pamantayan sa tulong ng EDCOM upang matiyak na may punong-guro sa bawat pampublikong paaralan.
“Malaki ang papel na ginagampanan ng mga mahuhusay na punong-guro upang paghusayin ang performance ng ating mga guro at mga mag-aaral. Mahalagang matugunan natin ang kakulangan ng mga punong-guro sa ating mga paaralan, lalo na’t makaaapekto ito sa pagsisikap nating iangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa,” ani Gatchalian, EDCOM II Co-Chairperson at Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
Hinimok ni Gatchalian ang National Educators Academy of the Philippines, ang professional development arm ng DepEd, na suportahan ang mga punong-guro sa pamamagitan ng mga training programs upang maging mas epektibo sila sa pagtupad ng kanilang tungkulin.
Dagdag ng senador, kailangang repasohin na rin ang isang polisiya noong 1992 na ang mandato sa mga punong-guro ay lumipat sa ibang paaralan matapos ang tatlo hanggang limang taon.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na batay sa karanasan ng mga pampublikong paaralan sa Valenzuela, may mga science schools na kailangan ng mga punong-guro na may kasanayan sa math at science.
Aniya, kailangang tugunan ng bagong polisiya ang tiyak na pangangailangan ng mga paaralan. (NIÑO ACLAN)