MA at PA
ni Rommel Placente
NITONG Martes ay inanunsiyo ng screening committee ng Metro Manila Film Festival ang limang pelikula na kokompleto sa mga kalahok sa festival na ginaganap taon-taon tuwing Pasko, December 25.
Ang second batch ng mga pelikulang kasama sa MMFF 2024 ay ang My Future You starring Francine Diaz and Seth Fedelin, directed by Crisanto Aquino; Uninvited na pinagbibidahan nina Vilma Santos, Nadine Lustre, at Aga Muhlach, mula sa direksiyon ni Dan Villegas; Topakk na bida si Arjo Atayde katambal si Julia Montes, na pinamahalaan ni direk Richard Somes; Hold Me Close, starring Carlo Aquino at Julia Barretto, directed by JP Laxamana; at Espantaho, na pinagbibidahan naman nina Judy Ann Santos at Lorna Tolentino, na gumaganap sila sa pelikula bilang mag-ina. Ito ay mula naman sa direksiyon ni Chito Roño.
Samantala, dumating si Vice Ganda sa announcement ng last five official entries para sa 50th Metro Manila Film Festival, bilang isa nga ang pelikula niya sa kasama sa MMFF 2024. Bago kasi, inanunsiyo ang lima pang napili sa taunang MMFF ay inanunsiyo ulit ang limang naunang napiili na official entry base sa script, na isa rito ang pelikula ni Vice, ang And The Breadwinner is…
Excited si Vice na may entry ulit siya sa MMFF. Last year kasi ay hindi siya gumawa ng pelikula para sa festival.
Sabi ni Vice, “Exciting po na makasama kami ngayon dahil espesyal ang taong ito, 50th anniversary, so, it’s a milestone sa Metro Manila Film Festival.
“Ikagagalak ko rin naman na makasama sa taong ito dahil ilang taon din naman ako na halos taon-taon na nandirito. So, siyempre, iba ang 50th, golden year ng Film Festival. Kaya gusto ko rin talaga.
“Nang magpahinga ako last year, sabi ko, sana makabuo tayo kasi, it’s 50th ng filmfest. Para kasali naman ako roon dahil malaki at mahalagang-mahalagang bahagi ito para sa Metro Manila Film Festival. Napaka-pinagpala ako dahil ang entry ko, ang nagdirihe ay si direk Jun Lana. Idea First ang naging katuwang ng Star Cinema at ABS-CBN Films para mai-produce itong pelikula namin.”
Ayon pa kay Vice, noong pinaplano raw ang And the Breadwinner is… sinasabi raw ng mga producer niya na it’s Vice Ganda’s new movie era. Kaya raw ganoon na lang ang excitement niya.
“First time ko rin na gumawa ng pelikula na hindi pina-preview sa akin. Regalo raw nila sa akin sa Pasko.
“Hindi nila pina-preview. Gusto nila na mapanood ko sa premiere night dahil ito ang regalo namin sa ‘yo,” sey pa ng mister ni Ion Perez.
Ang direktor ng pelikula na si Jun Lana, sinabi niya na maraming kakaiba na makikita kay Vice sa kanilang pelikula. Pero siyempre, nandoon pa rin naman daw ‘yung trademark ng Unkabogable Star.
At si Vice naman, nangako na ng suporta sa 50th MMFF, na sigurado raw na magpo-promote siya ng And The Breadwinner is.. hindi lamang sa Metro Manila theaters, maging sa mga probinsiya.
“Kaisa ako ng Metro Manila Filmfest. At hindi naman sa pagmamalaki, pero hindi siguro ako masisilipan at sabihin nila na hindi ako tumulong sa kanila sa pagpo-promote ng festival. Hindi lang ng pelikula ko, pero buong festival.
“Kung ano ang ginagawa ko noon, baka dagdagan ko pa. Kumbaga, familiar effort but different atake,” sey pa niya.