MA at PA
ni Rommel Placente
SA advocacy series na WPS (West Philippine Sea) ay magkakasama ang magkarelasyong sina Aljur Abrenica AJ Raval, at Jeric Raval.
Sa zoom mediacon ng WPS, sinabi ni AJ na hindi na siya magpapa-sexy sa pelikula. Gusto niyang gumawa ng mga wholesome role, kaya tinanggap niya ang WPS. At happy siya na makakatrabaho ang ama dahil noon pa ay dream niyang makasama ito sa isang proyekto.
“Since nandito po ‘yung tatay ko (sa WPS), mas magiging comfortable po ako and I feel safe.
“Matagal na pong artista ang tatay ko at gumagawa na rin naman po siya ng mga advocay films,” sabi ni AJ.
Sa tanong kay AJ kung bakit nagdesisyon siyang balikan ang pag-arte, to think na sinabi niya umano rati na iiwan niya na ang showbiz, sagot niya, hindi niya sinabi na tatalikuran ang showbiz. Kung nawala man siya pansamantala sa limeligt, ‘yun ay dahil nagtapos siya ng pag-aaral, at mas itinuon niya ang pansin sa mas makabuluhang bagay.
Kinuha naman ang reaksiyon ni Aljur sa naging desisyon ni AJ na tigil na sa pagpapa-sexy.
“Tuwing magkasama kami, nababanggit niya ‘yun sa pamilya niya. Naging masaya ako sa naging desisyon niya.
“Ako naman, lagi akong nakasuporta sa mga kaibigan ko, sa mga taong mahal ko, kung anong gusto nilang gawin.
“Well, I’m happy and proud of her. Kasi hindi siya ganoon kadaling..parang ano siya, next step sa gusto niyang gawin,” ani Aljur na nabuking naming tawag kay AJ ay Mahal.
Ang producer ng WPS ay ang KSMBPI Film Division Production ni Doc Mike Aragon.
Aniya, walang talent fee ang lahat ng mga kinuha niyang artista sa kanyang advocacy series na mapapanood sa mga streaming platform. “Ang mga talent na ‘to, hindi ko binabayaran ang TF (talent fee) ha. Libre ito.
“Even Viva is not getting any manager’s commission. Tulong ito. Ang naibibigay lang namin ay honorarium for food, transportation, and basic expenses.
“The people here in front of you are real heroes, bayani sila. Maraming mga artista, gumagawa ng projects pero unang tanong, ‘Magkano TF ko riyan?’ Ito, wala. Nang sinabi ko sa kanila na ito ang problema, naintindihan nila. And they’re here in front of me,” sabi ni Doc Mike.
Bukod kina AJ, Aljur, at Jeric, kasama rin sa WPS sina Ali Forbes, Rannie Raymundo, Lance Raymundo, Massimo Scofield, at Ayanna Misola.