HATAWAN
ni Ed de Leon
INAMIN ni FDCP Chairman Joey Reyes na talagang gusto niyang unahin ang restoration ng mga lumang pelikula natin. Maraming mga kinikilalang klasikong pelikulang Filipino ang wala na ngayong kopya. Hindi kasi nai-restore agad iyon at nasira na ang mga negative maging ang mga kopya ng pelikula.
Noon kasing araw ay sinisimulan na iyan ng Experimental Cinema of the Philippines. Hinahanap na nila ang mga klasikong pelikulang Filipino at inire-restore na, kaso natigil iyon nang magkaroon ng power grab sa EDSA, pinabayaan ang mga proyektong nasimulan noong administrasyong Marcos. Pinabayaan pati na ang Manila Film Center na pinasok ng tubig dagat kaya nasira ang mga kopya ng pelikula sa archieves maging iyong nai-restore na.
Talagang mahirap at magastos ang restoration ng pelikula, karaniwan ay umaabot iyon ng P2-M at hindi na mababawi ang gastos dahil iyon ay ilalagay na lang naman sa mga free screening para mapag-aralan at hindi na pagkakakitaan. Kaya nga maski na ang mga malalaking producers hindi na interesado sa restoration ng kanilang mga pelikula. Pero para kay direk Joey, sayang ang mga pelikulang trabaho ng masters ng Philippine Cinema. Sayang ang trabaho ng mga national artist, lalo na ang mga namayapa na. Noon may napanood pa kaming classics na naka-print sa 16 o 8MM film na nasa Film Institute of the Philippines. Pero simula noong mamatay na si Ben Pinga at nawala na rin ang opisina ng FIP sa LVN, hindi na rin namin alam kung ano ang nangyari
sa kopya ng mga pelikulang iyon. Doon namin napanood ang mga pelikula nina Manuel Conde, Manong Gerry de Leon, direk Ramon Estella Lamberto Avellana, at marami pang iba. Nasa kanilang library din ang istorya sa development ng pelikula sa Pilipinas. Pero lahat ng iyon ay nawala na. Noon pa problema ni Ben kung paano ang mga klasikong pelikulang Filipino ay maipaliipat sa 16mm o kahit na sa 8mm para lang may kopya kung kailangan. Wala pang video noong panahong iyon. At magastos ang film catalogue dahil kailangan ang isang malaking film library at dapat kontrolado ang temperatura, at laging nare-revised para hindi magkaroon ng amag. Pero noon maliban sa Film Institute ay walang interesado. Noon na lang nagkaroon ng ECP at saka nasimulan ang archieves ng pelikula, na pinabayan din namang masira ng mga nasa kasunod na gobyerno.
Dapat lahat ng makabuluhang pelikual ay mai-restore kung makakaya. Huwag lang iyong mga kagaya niyong Pido Dida na dapat na talagang mabasura.