NALAMBAT sa ikinasang operation ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Las Piñas City ang isang courier vehicle na FedEx van, may lulan na ilegal na droga na itinago at inihalo sa loob ng solar light assembly bilang kargamento.
Sa inisyal na imbestigasyon, dalawang indibiduwal na kinabibilangan ng live-in partners na Nigerian national at isang Filipina ang sinabing respondent.
Nadiskubre ang hindi pa matukoy na halaga ng shabu sa isang courier shipment sa C5 Road Las Piñas City kagabi.
Ayon sa NBI operatives, nakatakdang ibiyahe patungo sa Nigeria ang nasabing kargamento ng ilegal na droga.
Nangyari ang pag-aresto dakong 9:00 pm sa The Tent, Gatchalian Drive, Barangay Manuyo Dos, sa nasabing lungsod.
Ang operasyon ay pinangunahan ni NBI Director Jaime Santiago katuwang ang Las Piñas City Police Station (CPS).
Kasalukuyang nasa kustodiya ng NBI ang dalawang suspek, posibleng maharap sa kasong RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na hindi muna pinangalan ng mga operatiba dahil patuloy pa ang mga karagdagang imbestigasyon upang matukoy ang mga kasabwat at lawak ng operasyon ng ilegal na droga. (EJ DREW)