HATAWAN
ni Ed de Leon
TAAS noo si Heart Evangelista habang sinasaksihan ang panunumpa ng asawa niyang si Chiz Escudero bilang bagong pangulo ng Senado. Isa iyan sa pinaka-mataas na posisyon sa gobyerno.
Pinangarap din iyan noon ng tatay ni Chiz pero hindi inabot.
Pinangarap din iyan ng asawa ni Sharon Cuneta pero hindi nakalusot at naging simula pa ng hidwaan nina Sharon at Sen Tito Sotto na sinasabing kung sumuporta lang sa asawa niya baka nanalong Senate President. Kaso ibinigay ni Tito Sen ang kanyang boto kay Sen Juan Ponce Enrile.
Noon pang nakaraang linggo alam na naming magiging pangulo ng senado si Chiz, dahil sa isang caucus daw na nagbigay ng suporta ang 15 senador sa kanyang pagiging pangulo ng senado.
Umano ang dahilan ay dahil nabigo si Migz Zubiri na maisulong ang ilang priority bills na kailangan sana ng bansa. Bukod doon napabayaan niya ang mga hearing ni Senador Bato dela Rosa tungkol sa PDEA Leaks ganoong sinasabi mismo niyon na wala silang ganoong dokumento. Iyon ay isang “witch hunt” lang sabi ng dating senador na si Antonio Trillanes dahil naghahanap sila ng “ebidensiya laban kay BBM na posibleng maging daan para mapatalsik iyon.”
May kinalaman daw iyan sa stand ni BBM laban sa China sa West Philippine Sea at ang pakikipag-ugnayan niyon sa US at iba pang mga bansa laban sa China.
Kung mapapatalsik nga naman si BBM, sino ang presidente? Natural wala na silang problema sa China at tiyak na hindi na makakapasok ang kinatatakutan nilang ICC na umuusig sa EJK noong kanilang panahon.
Pero lahat iyan ay espekulasyon lamang. Hindi natin alam kung ano ang talagang kaisipan nila. Hindi natin alam kung sino ang nagmaniobra ng coup sa senado. Pero nagtagumpay ang coup at senate president na ngayon si Chiz. Si Heart ngayon ay misis ng ikatlong pinakamataas na opisyal ng ating gobyerno. Maski siguro ang mga magulang ni Heart na ayaw noon kay Chiz wala nang masasabi sa ngayon.