YANIG
ni Bong Ramos
IMINUNGKAHI kamakailan ng magkapatid na Senador Pia Cayetano at Senador Alan Peter ang ‘total ban’ sa problema sa sigarilyo, vape at iba pang nakapipinsalang produkto.
Ito anila ang tanging solusyon upang tuldukan ang kinakaharap na problema ng ating bansa hinggil sa yosi at vape na walang ibang layunin kundi lasunin ang mamamayan.
Talagang malaking problema ito partikular sa kabataan na imbes targeting mawala ang sigarilyo sa susunod na henerasyon ay para bang plano ng gobyerno na palitan lang ito ng high-tech vape inhalers.
Ang usaping ito ay nag-ugat matapos maka-tanggap ang Pinas ng “Dirty Ashtray Award” sa limang sunod-sunod na pagkakataon sa 10th Conference of the Parties (COP 10) to the Framework Convention on Tobacco Control na ginanap sa Panama kamakailan.
Ito ay dinalohan ni Deputy Executive Secretary Hubert Dominic Guevarra na namuno sa Philippine delegation.
Inilarawan ni Guevarra ang “Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act” (Republic Act 11900) bilang isang “Landmark Legislation” na naglalayong pababain ang pinsalang dulot ng paninigarilyo.
Sinabi ni Guevarra, makatutulong ang pagtatag ng “Comprehensive and Differentiated Regulatory Framework for the Importation, Manufacture Sale and Use of Vaporized Nicotine and Non-Nicotine products and other Novel Tobacco Products.”
Sa madaling-salita, imbes itigil ang sale ng yosi, vape at iba pang tobacco product, nilalagyan lang ng gobyerno ang iba’t ibang kategorya ang mga produktong ito.
Choose your poison, pero poison pa rin, iba-iba lang ang label at kategorya. E paano na ba iyan, ano kaya ang magiging choice?
Sa mga nakaraang dalawang hearing ng Blue Ribbon Committee, sinabi ni Chairperson Senator Pia Cayetano na nakahihiya ang mabigyan ng “Dirty Ashtray Award” nang limang beses.
Sa puntong ito aniya, dapat higpitan ng government agencies ang mga ipinapatupad nito na lubhang nakakabahala.
Mantakin niyong marinig natin sa isa sa mga hearing ang pag-amin ng Department of Trade and Industry (DTI) na wala silang kakayanan na suriin ang content ng mga vape products na ibinebenta sa bansa.
E paano ngayong mare-regulate ang mga produktong ito kung hindi man lang natin alam kung ano ang laman nito.
Dito na sumagi sa isipan ng dalawang Senador na wala ng ibang solusyon sa problemang ito kundi ang ‘total ban’ ng sigarilyo, vape at iba pang naka-pipinsalang produkto.
Kaugnay nito, sinabi ng dalawa na dapat turuan ang mga tobacco farmers na magtanim ng ibang halaman na mapagkikitaan din.
Wala kasing middle ground o’ balanced approach sa yosi at vape. Lason ito na dapat puksain.