HATAWAN
ni Ed de Leon
SA press conference ng huli niyang pelikula. Si Aga Muhlach mismo ang nagsabing gusto niyang gumawa ng isang gay role. Pero iyon namang babagay sa kanyang edad. Ang sabi niya, siguro isang old gay man na magkakagusto sa isang mas bata. Aba parang ang isang kagaya ni Aga ang hitsura para magka-crush sa isang mas bata palagay namin dapat mas pogi sa kanya. Sino nga ba ang puwede?
Inamin din ni Aga na matagal na niyang binuksan ang idea na iyan sa kanyang naging producers, nabanggit niya lalo ang Star Cinema. Nabanggit na raw niya iyan kay Olive Lamasan at iba pang dating mga opisyaol ng film outfit pero mukhang hindi nila pinansin iyon. Siguro natatakot din silang isugal ang career ni Aga sa ganoong klase ng pelikula, at kung anong conflict ang magmumula roon sa napakarami niyang commercial endorsements.
Hindi natin maikakaila na si Aga ay isa sa mga top rate leading men na itinatambal lamang nila sa mga malalaking leading ladies .Bakit nga naman isusugal nila si Aga sa isang pelikulang walang kasiguruhan. Experimental iyan lalabas dahil matatanggaop ba ng mga tao si Aga sa isang gay role?
Maaaring sabihing hindi naman siguro maaapektuhan si Aga. Ginawa rin naman iyon nina Eddie Garciaat Ronaldo Valdez pero napanatii nila ang respeto ng tao. Tingnan niyo rin kung ano ang naging epekto niyon kay Eric Quizon na lang halimbawa na isang sikat na matinee idol noong una.
Siguro nga gusto lang ni Aga na maiba. Gusto lang niyang sumubok ng ibang klaseng role. Siguro ang naiisip niya bilang leading man ay halos ganoon na lang ang kanyang role na ni hindi na niya halos kailangang umarte. Humahanap na siya ng iba.
Pero ang tanong this time ay maaari pa ba niyang isugal ang kanyang popularidad? Nakahanda ba siyang isugal ang mahigit na apat na dekada na niyang image? Ok lang ba sa kanya na mabawasan ang kanyang mga commercial endorsement dahil doon? At kung hindi kagatin, paano siya muling makababawi?
Naiintindihan namin si Aga, pero kung kami ang tatanungin, hindi na niya dapat isugal ngayon ang sarili niya.