Saturday , November 16 2024
Ronaldo Valdez

Ronaldo nailibing na; privacy hiling pa rin ng pamilya

HATAWAN
ni Ed de Leon

MARAHIL habang binabasa ninyo ito ay naihatid na sa huling hantungan ang mahusay at iginagalang na actor na si Ronaldo Valdez. Ewan kung sino sa inyo ang nakasubaybay sa kanyang career noong araw pa. Maging kami ay hindi na namin inabot ang kanyang pagsisimula, pero nakasama namin noon ang mga taong nakaaalam ng lahat sa kanyang pagsisimula sa showbusiness at naibahagi nila sa amin ang mga kuwentong iyon. 

‘Di kasi kagaya ngayon na walang inaatupag ang mga movie reporter kundi kung saan ang susunod nilang presscon. Noong panahon namin ay may sapat kaming panahon para magkaharap-harap pa, magpalitan ng opinion habang nagkakape sa kung saan mang lugar kami magkita.

Paboritong kapehan ng mga movie writer noon ang isang restoran sa Escolta, iyong Gayspot na nasa tabi lang ng Burke Building at naroroon naman ang mga opisina ng mga malalaking kompanya ng pelikula kabilang na ang FPJ, Joseph Estrada Productions, Junar, TIIP at marami pang iba. roon mo madaling makita ang mga artista lalo na kung Biyernes na sumisingil sila ng kanilang suweldo sa opisina mismo ng mga producer.

Kaya noong panahon namin may mga pangyayari mang hindi namin inabot ay nalalaman namin sa kuwento ng mga nauna sa amin. Hindi rin bago ang mga kuwentuhang ganyan sa National Press Club, lalo na kung ang kaharap mo ay si Estrella Alfon at si Lilia Rianzares Andolong, na kapwa beterano rin sa pagsusulat sa entertainment.

Natatandaan namin, bata pa kami nang una naming mapanood si Ronaldo “introducing” siya noon sa pelikulang Pepe and Pilar nina Dolphy at Susan Roces. Bagama’t maraming mga matinee idol noon, lahat sila nakatali sa malalaking kompanya ng pelikula. Si Ronaldo ang sumulpot para sa ibang producers. At kakaiba ang image ni Ronaldo noon, hindi siya iyong boy next door bagama’t ganoon ang kanyang hitsura, medyo ginawang sexy ang kanyang image. Katunayan, sa una niyang pelikula ay may isa siyang eksena na nakasuot lamang ng briefs na hindi karaniwang ginagawa sa mga pelikula noon.

Nang mauso ang mga pelikulang sexy, nasabak din doon si Ronaldo ngunit ‘di gaya ng iba, siya ay kilala bilang isang mahusay na actor. Actually, ang naka-discover sa kanya ay ang kilalang comedy director na si Luciano Carlos. May panahong parang tumulong din sa kanya si Douglas Quijano noon na aktibo pa bilang isang movie writer. Noon kasing mga panahong iyon, wala pang manager ang mga artista dahil usually ang kontrata nila ay sa kompanya ng pelikula. Bale tinutulungan lang sila ng mga PRO na karaniwan ay movie writers. In fact, ang karamihan sa mga talent manager natin ngayon ay mga PRO ng mga artista noong araw. Ang mga iyon ang nangangalaga ng kanilang publisidad para mapanatili ang kanilang popularidad.

Nadatnan pa namin ang panahong iyon na si Ronaldo ay halos nagsisimula pa lamang. Marami kaming narinig na kuwento tungkol sa kanya. Pero huwag na nating pag-usapan iyon sa panahong ito. Pag-usapan na lang natin ang pinakahuling pangyayari sa buhay ng actor.

Marami ang nagtataka at nagulantang nang ihayag ng Quezon City Police District ang kamatayan ng actor noong Linggo ng hapon. Bakit pulis? Bakit hindi ang pamilya? Bakit hindi rin ang ospital kung doon siya pumanaw at saka wala namang alam na sakit niya.

Kasunod niyon, lumabas ang unang police report na nagsabing ang ikinamatay ng actor ay “allegedly suicide.” Pero bakit nangyari iyon? May ilang inside sources na nagsabi sa amin na kung ilang panahon na rin naman daw dumaranas ng depression si Ronaldo, sa hindi rin naman nila alam na dahilan.

Pero walang komento ang pamilya niya tungkol sa mga pangyayaring iyon. Ang unang official statement mula sa pamilya ay mula sa anak niyang si Janno Gibbs na humihiling na bigyan ng pagkakataon at kaunting katahimikan ang kanilang pamilya sa panahon ng kanilang pagdadalamhati.

Nauna rito, isang beteranang aktres na kaibigan din ng kanilang pamilya ang nagsabing ang plano ay magkakaroon ng wake para kay Ronaldo sa Loyola Memorial Chapels sa Guadalupe, Makati simula kahapon, Martes, 4:00 p.m. at ilalagay siya sa huling himlayan ng Miyeroles. Pero mukhang nagbago ang desisyon ang pamilya dahil Lunes pa lang ay naka-cremate na ang kanyang labi at nagkaroon na ng isang private wake ang pamilya sa isang lugar na hindi naman nila sinabi kung saan.

Obviously gusto nga nilang manahimik na muna sa mga bagay-bagay, na karapatan naman nila bilang pamilya, at marahil ay ayaw na nga nilang sumagot sa kung ano-anong tanong kaya nga hinahayaan na lang nila ang mga statement na galing sa pulisya.

Samantala, gaya ng inaasahan iniimbestigahan pa ring mabuti ng pulisya kung nagkaroon nga ng foul play. SOP naman iyan sa kaso ng suicide, hindi agad sila naniniwala na ang mismong tao ang nagpakamatay. Gayunman, bago na-cremate ang labi ni Ronaldo ay nakunan pa raw ng paraffin test ng pulisya para malaman kung positibo nga siyang nagpaputok ng baril na siyang kumitil sa kanyang buhay. Kinunan din ng paraffin test ang lahat ng mga kasama niya sa bahay nang maganap ang insidente pero wala pa silang inilalabas na resulta sa panahong isinusulat namin ito. Maaaring kasabay nito o sa mga susunod pang araw ang reporter ng Hataw na naka-assign sa Quezon City Police District na ang maglalabas ng balita tungkol sa pangyayari.

Si Ronaldo o James Ronald Gibbs sa tunay na buhay ay 76 taong gulang nang siya ay mamatay. Kilalang-kilala siya ng fans  lalo pa nga’t nakasama siya sa huling serye ng KathNiel kaya sinasabing naging malapit din sa kanya ang aktres na si Kathryn Bernardo.

Sa panahong ito na ang kahilingan nga ng kanyang pamilya ay privacy sa panahon ng kanilang pagluluksa, igalang natin ang mga bagay na iyon . Bagama’t may isa kaming kaibigan na nagbahagi sa amin ng kuha niyang larawan sa burol ng labi ng actor.

About Ed de Leon

Check Also

Robbie Jaworski Andres Muhlach

Robbie Jaworski pantapat ng ABS-CBN kay Andres Muhlach ng TV5

HATAWANni Ed de Leon UY pumasok pala sa ABS-CBN si Robbie Jaworski, anak nina Dudot Jaworski at Mikee Cojuangco na mukhang …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Dominic Pangilinan Paul Singh Cudail Ako Si Juan

Direk Paul Singh Cudail, balik pelikula via ‘Ako Si Juan’

ALAM MO NA!ni Nonie Nicasio NAGSIMULANG maging direktor ng pelikula Paul Singh Cudail noong 2011. …

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …