HATAWAN
ni Ed de Leon
MAY mga talent manager naman kasi na pinepersonal basta nababanatan ang kanilang mga alaga. Hindi ba ang dapat, sinisikap nilang mailagay sa ayos ang buhay ng kanilang mga alaga para hindi napipintasan iyon ng mga kritiko?
Kagaya halimbawa iyong lahat ng makarelasyon binubuntis tapos, hihiwalayan basta may nagustuhang iba, at hindi na susuportahan ang kanyang mga anak. Aba eh kahit na anong tingin ang gawin mo mali iyon. Hindi rin naman tamang isipin na basta hawak ng mga manager kahit na ganyang baliktad na ang katuwiran ay palalampasin mo, dahil ang feeling ng mga manager, dapat “untouchable” ang mga alaga nila. At sa ano namang dahilan?
May manager na ganyan, alam na niyang ang alaga niya maraming ginagawang atraso, pero kung ipagtanggol parang sinasabi pang ang alaga niya ang inaapi, buti na nga lang ngayon wala na siyang sikat na alaga. Ang mga alaga niya puro kontrabida na lang at kung mag-bida man, flop naman. Minsan talaga mabilis bumalik at umiral ang karma eh.