HATAWAN
ni Ed de Leon
NGAYON maliwanag na ngang walang katotohanan ang mga tsismis noon na nakulong ang actor na si Roderick Paulate matapos na bumaba ang hatol ng Sandigang Bayan sa iniharap na kasong graft laban sa kanya. Para kasi sa mga hindi nakaiintindi, iyang Sandigang Bayan o anti-graft court ay kagaya lamang ng RTC na ang desisyon ay maaari pang iapela sa mas mataas na hukuman. Kung sa simula ay nakapaglagak na ng piyansa ang akusado, mananatili iyon hangggang sa mapatunayan ng beyond reasonable doubt na siya ay may kasalanan. Umapela nga si Dick sa mas mataas na hukuman at hanggang ngayon ay wala pang desisyon, kaya malaya pa niyang nagagawa kung ano man ang dapat niyang gawin. Ang importante lang naman doon ay isinailalim mo na ang sarili mo sa jurisdiction ng korte, at humaharap ka naman sa lahat ng mga pagdinig na kailangang naroroon ka. Hindi rin naman masasabing si Roderick iyong tatakbuhan ang kanyang kaso. Hinaharap naman niya iyon.
Basta ang maganda ngayon nakagawa at natapos pa niya ang isang pelikulang kasama si Maricel Soriano. Noon ang alam namin may project din sila dapat ni Ate Vi (Ms Vilma Santos) pero hindi nga natuloy iyon. Kaya naman natanggap ni Ate Vi iyang When I Met You In Tokyo na naging reunion naman nila ni Christopher de Leon. Let us just hope na sana kung wala naman siyang kasalanan ay maibigay ang tamang hatol kay Dick. At mag-artista na lang siya kung saan mas malaki ang kita, mas walang sakit pa ng ulo kaysa politika.