PADAYON
ni Teddy Brul
PATULOY na kinalulugdan ng mga pasyente ang pagpapasuri sa isang klinika, naglalapat ng ancient technique ng paggagamot sa iba’t ibang uri ng karamdaman, na kanilang madalas dayuhin sa compound ng Bantayog ng mga Bayani sa Quezon City.
Ang klinika, na kilala bilang Klinika sa Bantayog, ay pinamamahalaan ng mga miyembro ng Samahang Demokratikong Kabataan Foundation, isang grupo na nagsusulong ng mga programang pangkalusugan at kagalingan. Katuwang ng grupo ang mga doktor, acupuncturists at physical therapist, pawang boluntaryong nagsasagawa ng complementary and alternative medicine (CAM).
Kanilang isinasapraktika ang komplementaryong paggagamot na acupuncture, body massage, ventosa therapy bilang panlunas sa mga karaniwang karamdaman tulad ng pananakit ng likod, leeg at kasukasuan. Isinasagawa rin nila ang facial vacuum, isang paraan ng treatment para mabawasan ang fluid retention, umimpis ang puffiness at mapabuti ang lymph circulation ng pasyente.
Ang acupuncture ay isang paggamot na nagmula sa ancient Chinese medicine. Ang mga pinong karayom ay tinutusok sa mga balat o sa mga partukular na acupoints. Ang mga acupuncture points ay pinaniniwalaan na nagpapasigla sa central nervous system. Ito naman ay naglalabas ng mga kemikal sa mga kalamnan, spinal cord, at utak.
Ang mga biochemical na pagbabagong ito ay maaaring magpasigla sa mga likas na kakayahan ng katawan sa pagpapagaling at magsulong ng pisikal at emosyonal na kagalingan.
Pinamumunuan ni Dr. Romeo Gavino, isang certified medical acupuncturist, ang pagsusuri sa karamdaman ng mga pasyente at kanyang inirerekomenda ang pagsalang nila sa kaukulang bilang ng acupuncture session o body massage. Katuwang niya si Ka Lito Chavez, isang batikang certified acupuncturist.
Dalawang pasilidad ang inookupahan ng klinika, isang air-condition room na may tatlong medical bed at isang canvas tent, na mayroong tatlo pang higaan. Sa bukana ng tent ay nakapuwesto ang medical assistant, na nagsasagawa ng blood pressure at pagtala sa medical record ng pasyente.
Ang medical tent ay nalilimliman ng matatayog na punong Balete at maaliwalas ang kapaligiran na may nakapalibot na mga halaman at iba pang puno sa mahigit isang ektaryang lote ng Bantayog ng mga Bayani.
Ang serbisyong medikal sa naturang klinika ay bukas tuwing Martes at Sabado mula 9:00 am hanggang 3:00 pm. Madaling matatagpuan ang klinika sa loob ng Bantayog ng mga Bayani nasa Quezon Avenue, (malapit sa EDSA) Quezon City.
Sinabi ni Agapito Gaddi, isa sa tagapagtaguyod ng SDK foundation, kanilang itinatag ang programang serbisyong medikal noong 2006 sa hangarin nilang patuloy na paglingkuran ang mamamayan. Naunang pinagkaloob ng grupo ang libreng serbisyong medikal sa mga maralitang pamilya na naninirahan sa Barangay San Roque sa Lungsod Quezon.
Layunin din ng pagkakatatag ng klinika ay bigyan ng serbisyong medikal ang mga beteranong aktibista ng dekada 70, na mga senior citizens na ngayon at nangangailangan ng atensiyong medikal.
Mababatid na ang Samahang Demokratiko ng Kabataan (SDK) ay isang mga nangungunang organisasyong masa na kinabibilanagan ng mga kabataan at aktibistang estudyante na gumanap ng isang kilalang papel sa pag-usbong ng aktibismo sa Filipinas noong unang bahagi ng 1970s
Sa ngayon ay halos 17 taon na kaming naglalaan ng serbisyong medikal nang walang anumang motibo para sa tubo, banggit ni Gaddi, dating bank employee na ngayo’y medical assistant sa klinika.
Walang itinatakdang medical fee ang klinika kaya umaasa lang sila sa donasyon mula sa abot-kayang maibibigay ng bawat pasyente. Pinaghahatian ng mga volunteered health practitioner ang naipong donasyon.
Ang klinika ay nabubuhay sa pamamagitan ng mga tulong materyal at pinansiyal galing sa mga pasyente, SDK members, at ibang mga taong naniniwala sa adbokasiya ng klinika.
‘Ika nga ng Pantas, “As you grow older, you will discover that you have two hands — one for helping yourself, the other for helping others.”
“Life’s most persistent and urgent question is, What are you doing for others?”
“Volunteering is the ultimate exercise in democracy.”
Sa ating obserbasyon, masigla sa paggampan sa gawain ang mga volunteered medical practioners. May nabubuong social ties sa pagitan ng pasyente at tagapaglapat ng lunas at pag-usbong ng sense of belonging o attachment sa serbisyong medikal ng Klinika sa Bantayog.
Mararamdaman ang masisiglang batian, kuwentohan at pagsasalo-salo sa pagkain na handog ng ilang advocates. Nadatnan naming ang mga nakahain na lumpiang sariwa at pansit na dala ni Ka Linda Vergara. Tsamporado naman ang kaloob ni Benrubs. Bahagi sa bonding moments ang aktibong partisipasyon ng karamihan sa selfie photo.