HATAWAN
ni Ed de Leon
SA simula pa lang ay sinabi naman ni Sharon Cuneta na si Kiko Pangilinan o sino man sa kanyang tatlong anak dito ay hindi manonood ng concert nila ni Gabby Concepcion na gaganapin sa MOA Arena sa susunod na buwan. Sabi nga ni Sharon hindi maiiwasang ang kanilang reunion concert ay maging celebration ng kanilang love team ni Gabby at ayaw naman siyempre niyang magmukhang out of place roon si KIko o sino man sa kanyang mga anak maliban kay KC Concepcion.
Kung manonood ang kanilang mga anak ni KIko, at tiyak namang naroon si KC sa concert ng mga magulang niya, tiyak na ang lahat ng mga fan ay kampi sa kanyang panganay. Magmumukha namang kakaning itik ang mga anak niya kay KIko, in the first place nitong mga huling araw ay hindi maganda ang image nina Frankie at Miel lalo na sa mga social media follower. Baka kung naroroon pa sila ay maubos na ang panahon ni Sharon sa kasasagot sa mga basher ng kanyang mga anak.
At sa totoo lang, makasisira rin naman sa damdamin ng mga bata na makita nilang ang gusto pala ng mga tao para sa nanay nila ay ang dating ka-love team, at hindi ang tatay nila. Mabuti na nga lang at magkaiba sila ng propesyon, si Gabby naman kasi ay isang actor samantalang si Kiko ay isang retired politician.