MA at PA
ni Rommel Placente
ISA si Sylvia Sanchez sa cast ng bagong serye ng ABS-CBN na Senior High na bida si Andrea Brillantes. Gumaganap siya rito bilang isang security guard sa Nothford, na nag-aaral si Andrea.
Sa mediacon ng nasabing serye, tinanong si Sylvia kung anong dahilan at sa kabila ng pagiging award-winning actress niya ay tumanggap ng role na isang sekyu.
May promise ba ang role niya sa mga darating na episode ng serye?
“Yes,” sagot ni Sylvia. “Malaki ‘yung role na ‘yun.
“After ng ‘HKM (Huwag Kang Mangamba),’ sinabi ko papahinga muna ako (sa showbiz). So ginawa ko ‘yun, years akong nagpahinga.
“May mga offer naman na dumating, tinanggihan ko.
“Kasi parepareho na nanay, ganoon. Gusto ko naman na ma-break ‘yung ganoon, na maiba ‘yung role ko.
“So after two years, eto dumating itong role na ito na si Lilia na isang security guard. Tinanggap ko ng walang pag-aalinlangan.
“Kasi after ‘HKM,’ pinagkatiwalaan ako ng Dreamscape ng panibagong magandang role.
“Security guard siya, pero huwag lang siyang sinasabihan na security guard lang.
“Kasi ang security guard na ‘yun, ‘pag pumutok, tatahimik ang lahat,” paliwanag pa ni Ibyang (tawag kay Sylvia).
So, base sa naging sagot ni Ibyang, mukhang bongga ang kanyang role, huh! Na malaki ang kinalalaman niya sa tatakbuhin ng istorya ng Senior High.
Napapanood na ito simula kahapon, Lunes (Agosto 28) ng 9:30 p.m.. sa Kapamilya.