HATAWAN
ni Ed de Leon
TAMA naman si Kathryn Bernardo, hindi naman masasabing masama siyang tao dahil nakunan siya ng video na nagve-vape. Hindi naman iyon ilegal gaya ng droga, iyon nga lang sinasabing masama ring example dahil iyang vape ay mayroon ding nicotina na hindi nakaa-addict pero habit forming, at sinasabing nakasasama rin sa kalusugan.
Pero totoo ang sinabi ni Kathryn hindi naman kasiraan sa kanyang pagkatao ang pagve-vape at bale wala sa kanya ano man ang sabihin ng iba.
Tama naman si Kathryn, buhay niya iyon eh, kung minsan nakadadama rin sila ng pagkabagot lalo na sa mga matatagal na gaps sa kanilang taping, kaya marami sa kanila ang natututong manigarilyo at ngayon nga iyang vape bilang pampalipas oras. Mas grabe pa nga noong araw, nag-iinuman pa sa shooting dahil sa pagkabagot.
Hindi naman nagve-vape si Kathryn sa harap ng camera, ginagawa niya iyon in private. Ibig sabihin, iniiwasan nga rin niya ang masaabing masama siyang example sa mga kabataan. Kaso may mga invader of privacy na kahit na hindi dapat ilabas, inilalabas nila ng walang pahintulot at ginagawang content ng kanilang mga social media account para kung dumami ang kanilang l followers ay pasukin din sila ng ads, at ma-monetize ang kanilang account.
Kaya nga kung titingnan ninyo ang mga may social media account, lahat na lang sila ay nagsasabing “Content Creator,” ganoong iyong iba roon ay nangongopya lamang ng ginagawa nilang content. Sila-sila rin nagnanakawan ng content, iyong kuwento at video ng isa, gagamitin din ng iba na magbibigay lang ng kaunting komentaryo para matugunan lamang ang pangangailangan nilang makagawa ng content araw-araw para dumami ang kanilang followers. Palagay namin iyan ang magsisimula ng down fall ng social media, lalo na ngayon na talagang talamak na ang kanilang fake news.
Kung iisipin maaari ngang magdemanda si Kathryn dahil ang ginawa sa kanya ay invasion of privacy, paglabag iyon sa kanyang karapatang pantao. Kaya lang puro naman fake ang pangalan ng mga nasa internet eh, paano mo idedemanda?