HATAWAN
ni Ed de Leon
LIGTAS na sa hoyo si Jay Sonza, matapos ibasura ng korte ang mga kasong isinampa laban sa kanya. Aba eh ni isa raw sa mga nagdemanda ay walang sumipot sa hearing. Ano nga ba ang gagawin ng husgado sa ganoon.
Sabik na sabik pa naman sa balita ang mga kalaban niya at hinuhulaan na kung ilang taon siyang makukulong. Ngayon ayos kayo dahil tiyak iyan babanatan kayong lahat oras na magbalik na iyan sa pagba-blog. Mahirap iyong pangungunahan mo ang kaso dahil hindi mo pa alam ang kalalabasan niyon eh. Kung minsan iyang mga vlogger, sa paghahangad ding marami silang maakit na manood sa kanila at nang malimusan naman sila sa kinikita ng mga social media platforms sa mga commercial ng fake na gamot sa diabetes, rayuma at kung ano-ano pa. Talagang nagpapa-kontrobersiyal sila kahit wala namang dahilan.
Ngayon napahiya sila, pero siympre may lusot sila riyan, dahil hindi mo nga naman masasabing hindi totoo ang kasong estafa at large scale illegal recruitment laban kay Jay. Hindi nga lang sumipot ang mga nagdemanda sa mismong hearing ng kaso. Iyong mga vlogger na abogado na akala mo sila ang judge kung magsalita, mga abogadong walang kaso iyan kaya nagba-vlog na lang. Kung may mga kaso bang hawak iyang mga iyan, magagawa pa nilang mag-vlog?