BAGAMA’T mandato ng Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) policy ng programang K-12 ang paggamit ng unang wika para sa pagtuturo sa Grade 1 hanggang Grade 3, maraming paaralan ang gumagamit ng regional languages ngunit hindi pamilyar sa maraming mag-aaral.
Pinuna ito ni Senador Win Gatchalian sa isang pagdinig sa senado ukol sa pagpapatupad ng MTB-MLE.
Ayon sa senador, hindi tugma ang realidad na kinakaharap ng mga mag-aaral at guro sa intensiyon ng batas.
Sa kasalukuyan, 19 wika ang saklaw ng MTB-MLE policy ng Department of Education (DepEd). Ngunit may 130 wikang nakatala sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), samantala umabot sa 245 wika ang naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa 2020 Census of Population.
“Dapat nagsisimula tayo kung nasaan ang mga bata sa 245 wika, ngunit kung pupunta tayo sa ating mga paaralan, 19 wika lamang ang ginagamit natin. Malaki ang hindi pagkakatugma. Kung mananatili tayo sa intensiyon ng batas, kailangang nagtuturo tayo sa 245 wika dahil ito ang mga maituturing na mother tongue tulad ng nakasaad sa batas, pero 19 lang ang ginagamit natin,” ani Gatchalian.
“May hindi pagkakatugma sa intensyon ng batas sa ginagawa natin sa DepEd,” ayon sa senador.
Tinukoy ni Gatchalian ang halimbawa ng Bicol Region, na nagsagawa ng language mapping ang Advancing Basic Education in the Philippines (ABC+) Project ng United States Agency for International Development’s (USAID).
Batay sa isinagawang language mapping sa tulong ng Summer Institute of Linguistics (SIL), lumalabas na may 13 wika sa rehiyon.
Ngunit sa 19 wikang saklaw ng MTB-MLE, Central Bikol lang ang wikang mula sa Region V. Tinataya rin ng USAID na 50% ng mga mag-aaral sa rehiyon ang nagsasalita ng Central Bikol. Puna ni Gatchalian, Central Bikol at Tagalog lamang ang wika sa mga learning materials na ipinamahagi ng DepEd sa rehiyon kahit na maraming wika ang ginagamit dito.
Matatandaang nanawagan si Gatchalian ng national impact assessment sa isang privilege speech noong 31 Mayo 2023 upang suriin ang pagpapatupad ng MTB-MLE.
Magpapatuloy, ani Gatchalian, ang pagrepaso sa MTB-MLE upang matukoy ang mga kinakailangang hakbang na tutugon sa mga hamong kinakaharap ng programa. (NIÑO ACLAN)