HATAWAN
ni Ed de Leon
NATATANDAAN namin si Patrick Guzman na palangiti at laging masayang kasama noong panahong artista pa siya rito sa Pilipinas. Marami rin siyang nagawang pelikulang comedy, may dama rin at may panahong nagpa-sexy din siya. Dumami rin naman ang fans ni Patrick noon dahil pogi naman siya. Naging limitado nga lang ang
kanyang roles dahil sa garil na pagsasalita ng Tagalog. Isang Canadian citizen kasi si Patrick at doon siya lumaki kaya hindi siya bihasa sa pagsasalita ng Tagalog.
Nagsimula si Patrick bilang isang mdelo, upscale ang dating. Pero dahil pogi nga napansin agad siya ng fans, natural hinanap agad siya ng mga talent manager. Nakagawa siya ng pelikula sa malalaking kompanya lalo sa VIva na isinama siya sa kanilang mga biggest stars. At sa Octoarts ay nasalang naman siya sa mga comedy films.
Nakagawa siya ng ilang sexy films sa mga independent film companies. At mas napansin siya nang kunin siyang co-host ng Star for All Seasons na si Vilma Santos sa telebisyon. Ang show ni Ate Vi ang highest rating television show noong panahong iyon.
Pero alam ni Patrick na kailangan niyang maibaba ang kanyang upscale na image sa masa. Kaya noon ay tumanggap din siya ng mga “Baratillo show” na nagdadala sa kanya sa kung saan-saang probinsiya. Iyang tinatawag na baratillo noon ay parang tiangge na nagbebenta sila ng mga gamit sa bahay, damit at kung ano-ano pa. Para dumayo ang mga tao sa mga baratillo at mamili naglalagay sila ng shows ng mga sikat na artista, at dahil karamihana sa mga nagpupunta at namimili sa baratillo ay mga babae, mga sikat at poging artistang lalaki ang madalas na headliners sa kanilang mga show.
Ang malakas noon sa mga baratillo shows ay sina Richard Gomez, Aga Muhlach at nang malaunan ay pati si Tonton Gutierrez. Madalas na kasama rin doon si Patrick. Nakasakay silang magkakasama sa iisang van, at karaniwan hindi lang isa kundi dalawa o tatlong baratillo pa sa magkakaibang bayan ang kanilang pinupuntahan. Napakasaya ng mga biyaheng iyon at isa si Patrick sa maraming jokes na nakaaaliw sa kanyang mga kasama. Ang image nga ni Patrick, medyo sosyal ang dating at medyo aloof, pero sa totoong buhay ay hindi siya ganoon, masayahing tao siya at masayang kasama.
Sa shooting naman, naaalala si Patrick ng kanyang mga nakasama na isang mabait at marespetong aktor kahit na sa production crew. Wala rin siyang reklamo sa mahabang oras ng paghihinaty sa set, at dahil alam niya ang draw back niya sa pagsasalita ng Tagalog talagang kinakabisado niya ang script at kung may salita na hindi niya mabigkas, magtatanong siya sa mga kasamahan niya kung paano iyon dapat sabihin.
Professional siya, darating siyang dala ang kanyang mga gamit at kung hanapin mo man kung ano ang kailangan tiyak na dala niya iyon. Tinatandan din kasi niya ang mga gamit niyang kailangan pa ng continuity. Sa kabuuan, mabait na tao si Patrick kaya gusto siya ng lahat ng mga nakakasama niya.
Kaya naman napakarami ang nagpahayag ng kalungkutan sa industriya nang mabalita noong Sabado na pumanaw na siya dahil sa sakit sa puso.
Nawalan na naman tayo ng isang mabit na artista. Malaki pa rin ang kaibahan noon kahit na nga tumigil na siya ay alam naman nating buhay siya. Si patrick ay 55 lamang, napakabata para pumanaw, pero ganoon lang talaga ang buhay. Siguro hanggng doon na lang talaga ang itinakda para sa kanya. Naiwan niya ang kanyang asawa at isang 15 taong gulang na anak na lalaki. May mga nagsasabing maaari ring mag-artista ang anak kung gugustuhin lamang niyon.
Wala pang sinasabing detalye tungkol sa kanyang magiging burol at libing dahil kadarating pa lang daw kasi ng misis ni Patrick na galing sa isang bakasyon.
Pero alam naman ninyo sa Canada o kahit na saan sa abroad, iyang burol ng mga yumao ay hindi kagaya rito sa atin. Sa kanila may nakikiramay naman pero mostly pamilya lang iyon, it is a private affair, kahit na sabihin mo pang artista si Patrick. Kung dito iyan sa atin, aba parang malaking event na iyan at tiyak dadagsain kung saan man siya nakaburol.
Sa parte namin matagal din namang panahong nakasama namin si Patrick noong panahong artista pa siya sa Pilipinas. May pelikula pa siyang kasali kami sa promo. At hindi namin natatandaan na naging problema siya sa promo kagaya ng iba. Nalulungkot kami na wala na siya. Pero ganoon lang talaga ang buhay. Mananatili sa isipan namin si Patrick bilang isang artistang propesyonal at hindi naging sakit ng ulo.