YANIG
ni Bong Ramos
IPINAMALAS ni Cong. Erwin Tulfo ang isang larawan ng isang tunay na ehemplo na dapat pamarisan ng ilang mga politiko na hindi kayang tanggapin ang mga nangyayari sa kanila.
Matatandaan na itinalagang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., si Tulfo, ilang linggo matapos na opisyal na maging Pangulo ng bansa.
Sa kasamaang-palad, ang kanyang appointment ay hindi inaprobahan ng Commission on Appointments (CA) dahil sa ilang teknikalidad kabilang ang kanyang citizenship.
Ang desisyong ito ng CA ay malugod na tinanggap ni Tulfo nang walang anomang usapan, apela, isyu, at tanong mula sa kanyang kampo.
Maraming mamamahayag ang humanga at bumilib sa ginawang ito ni Tulfo bilang isang good sport na may respeto’t tiwala sa mga aktuwasyon at polisiyang ipinapatupad ng gobyerno.
Hindi anila iyakin, walang kiyaw-kiyaw at walang maririnig na anomang isyu hinggil sa pagdisaproba ng CA sa kanyang appointment bilang Kalihim ng DSWD.
Hindi nga naman tulad ng iba riyan na lahat ng makinarya ay gagawin para panindigan ang pagkakahirang at pagkakatalaga sa kanila sa kahit anong posisyon sa gobyerno.
Ang mga taong hindi umiiyak, humahagulgol pang parang isang batang inagawan ng candy at laruan, di po ba?
Kamakailan lang, si Tulfo ay nanumpa bilang isang kongresista sa House of Representatives. Inirerepresenta niya ang ACT-CIS party list.
Harinawa’y pamarisan ng iba riyan ang hakbang na ito ni Tulfo na kumbaga sa sundalo ay “obey first before asking.” Sa kanyang panig ay sumunod na lang siya at hindi na siguro nagtanong.
Iyan ang dapat na ituring na isang tunay at totoong ehemplo na dapat saluduhan at pamarisan, walang iyakan and be a good sport.
DAPAT NGA BANG
GAWING DRUG CZAR
SI DATING PRRD?
Ito ang tanong ng marami nating kababayan na kung kailangan bang italagang Drug Czar si dating PRRD.
Ang suhestiyong ito ay inirekomenda ni Senador Bong Go sa gitna ng Senate hearing hinggil sa isyu ng P6.7 bilyong halaga ng shabu na ipinuslit umano ng ilang mataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP).
Ang hearing ay kinasasangkutan umano ng ilang heneral, koronel, mayor kapitan, at ilang mga pulis na ngayo’y iniimbestigahan ng komite sa Senado na pinamumunuan ni Senador Bato de la Rosa.
May naganap umanong cover-up at konsinti sa mga pulis na sangkot sa pagpupuslit ng P6.7 bilyong halaga ng shabu kung kaya’t napakalakas ng loob nila.
Ayon kay Go, sayang nga naman ang inumpisahang drug-war ni Duterte sa kanyang administrasyon. Malaki nga naman ang sakripisyo nito sa total war against illegal drugs.
Dito inilunsad ang Operation Tokhang at Operation Double-Barrel na halos 10,000 mamamayan na sangkot sa ilegal na droga ang namatay o pinatay.
Kung sakaling maging Drug Czar si Digong, marami ang pumapabor kung ang papatayin naman daw ay mga opisyal at ilang mga pulis na nagpalaganap ng droga sa bansa.
Ang mga nasabing pulis ang walang habag na pumapatay sa mga user at pusher noong panahong iyon samantala malaki ang pruwebang galing din sa kanila ang droga.
Ano ito lokohan? Tsk tsk tsk…