HATAWAN
ni Ed de Leon
HINDI na iyon inabot ng mga millennial, pero noong araw may isang dilapidated nang sinehan diyan sa Adriatico, at hindi na nagpapalabas ng pelikula ang dinarayo ng mga manonood. Ang ipinalalabas doon ay “live show” na kung tawagin noon ay “toro-toro”. Sa isang mesa sa gitna, nagse-sex ang babae at lalaki, habang sa paligid nila ay nanonood ang maraming tao na akala mo isang sabungan.
Ang tawag sa mga performer noon ay “toro” o kaya mas masakit pa, “patutot,” at ang mga nanonood ay mga “manyak.”
Ano ang kaibahan ng “toro-toro” na sinasabi nilang mahalay kaysa mga mahahalay na pelikulang napapanood ngayon sa internet?
Ganoon din naman iyon, nagse-sex sila. Nagbubuyangyang ng mga pribadong ari. Bakit noon hinuhuli ang toro-toro at ngayon ang mahahalay na pelikula ay walang sabit dahil daw sa hindi saklaw iyan ng batas na lumikha sa MTRCB (Movie and Television Review and Classification Board), dahil wala namang binabanggit na internet sa batas, at iyon daw ay bahagi ng “artistic freedom.”
Ewan, pero wala mang binabanggit na internet sa batas na PD 1986, maliwanag na iyang pornograpiya sa anumang uri nito ay maaaring maparusahan sa ilalim ng umiiral na Revised Penal Code. Ayaw nilang dumaan sa MTRCB, hayaan ninyo at oras na ipalabas nila sa video o sa internet man, sampahan ninyo ng kasong criminal, gamit ang Revised Penal Code.
Dapat isipin ng mga tao sa pamahalaan, lalo na ang mga mambabatas sa ating kongreso na ang pangunahing tungkulin ng
pamahalaan ay bigyan ng proteksiyon ang mga mamamayan. Proteksiyon hindi lamang laban sa pagtaas ng presyo ng sibuyas at asukal, kundi ganoon din laban sa mga yumuyurak sa moralidad lalo na ng mga kabataan.
Ito ay hindi lamang isang usapin ng industriya ng pelikula. Iyan ay dapat na pinag-uusapan sa simbahan. Questions on morality iyan eh. Walang relihiyong papanig sa kahalayan, kahit na sabihin mo pang Saksi ni Batman.
Iyan ay usapan din dapat ng mga educator na nagsisikap na mailagay sa ayos ang buhay ng mga kabataang kanilang tinuturuan. Ewan kung mayroon, pero mayroon kayang guro na magtuturo sa mga estudyante na mabuti ang panonood ng kahalayan?
Iyan ay tungkulin ng mga magulang, dahil gusto ba nilang ang kanilang mga anak ay masanay sa mahalay na pamumuhay? Kung iisipin ninyo, lahat ay dapat na magkaisa laban sa mga mahahalay na panoorin maliban siguro sa mga maniac, at sa mga gumagawa at kumikita sa mga kahalayang iyon.
Maawa naman kayo sa ating mga kabataan. Gamitin naman ninyo ang inyong mga isip. Hindi lang ang MTRCB ang puwede, maging ang PNP, maaaring samsamin ang mga mahahalay na panooring iyan. Galit na galit tayo sa droga, eh ganyan din naman ang porno. Galit na galit tayo sa mga rapist, pero bakit hinahayaan natin ang panggagahasa sa ating kaisipan dahil sa mga mahahalay na panooring iyan.
Lahat ba ay hahayaan na natin kumita lamang tayo ng pera?
Wala na ba tayong natitirang moralidad kahit na sa talampakan man lamang? Ano ang ginagawa ng mga taga-industriyang nagsasabing sila ay “born again”?
Nakatatawa nga eh dahil may isang aktibong miyembro ng isang ”renewed Caholic group” na gumawa rin ng ganyang mahalay na pelikula. Talaga bang ang prinsipyo at pananampalataya ay nakalilimutan na oras na kumalam ang sikmura?
Kahapon nagkaroon ng public hearing ang senado, tungkol sa mga panukalang batas na iniharap nina Senadora Grace Poe, Senador Win Gathalian, at Senador Francis Tolentino, na lahat ay naglalayong
palawakin pa ang batas na PD 1986, na siyang lumikha sa MTRCB. Pero noong mga nakaraaang Kongreso mayroon nang ganyang panukala eh, wala namang nangyari. Ngayon inihaharap na naman sa bagong kongreso.
Hindi kami magtataka kung sugurin din sila ng mga director at producers na gumagawa at kumita sa mga mahahalay na pelikula sa
internet. Hindi kami magtataka kung magtungo rin doon para mag-lobby ang mga “artistang nagbubuyangyang ng kanilang ari” sa mga internet movies na mahahalay.
Kung kami ang tatanungin, ipagharap na lang iyan ng mga kasong kriminal sa korte dahil may umiiral namang batas na nagbabawal diyan, iyong Revised Penal Code, at paghuhulihin ang mga gumagawa ng kahalayan. Nangyari na iyan noon sa Uhaw na Bulaklak 2. Sana maulit iyon, at “sana all” mahuli na.