HINDI ALAM NI MARIO KUNG ANO ANG KASALANAN NIYA
‘D’yan ka muna,” sabi sa kanya ni Sarge na lalong umaskad ang mukha sa pagkakangiti. “Si Hepe ang magbibigay ng hatol sa ‘yo.”
Hatol nang walang litis-litis? At ano’ng kaso ko? bulong niya sa sarili. Kinilabutan siya.
May tinawagan sa cellphone si Sarge, nakaupo sa silyang napapaikut-ikot. Nakataas ang dalawang paa nito sa mesang may nakapatong na isang putol ng pahabang marmol na kinauukitan ng pangalan at katungkulan ni Kernel Bantog.
Umagaw sa pansin ni Mario ang isang kabataang lalaki na hindi lalampas sa beinte anyos ang edad. Nakataas ang malapad na kuwelyo ng suot na kulay itim na jacket. Parang tuwid na alambre ang buhok na makintab sa gel. Punggok sa kaliitan. Kung maglakad ay parang ibon na nakabuka ang mga pakpak. Halatang umiidolo sa mga pangunahing tauhan sa mga Korean telenobela na namamayagpag sa ilang istasyon ng telebisyon.
Nang magsubo ng sigarilyo sa bibig si Sarge, nagkumahog ang kabataang lalaki sa pagdukot ng lighter. Dali-dali nitong sinindihan ang sigarilyo.
Natawa si Sarge. “’Yan ang gusto ko sa bata ko, alisto.”
Pagkaraa’y lumapit sa seldang kinapiitan ni Mario ang kabataang lalaki. Agad siyang binulas nito sa paninigaw ng “Hoy, ikaw!” Idinaiti ng binatilyo ang likod sa mga rehas na bakal na nakapagitan sa kanilang dalawa. “Masahehin mo ‘ko.” (Itutuloy bukas)
Rey Atalia