HATAWAN
ni Ed de Leon
HINDI na ganoon kadali ang labang legal ni Vhong Navarro sa ngayon. Noon kasing magsimula ang kasong iyan, matindi ang pressure ng ABS-CBN na siyempre kampi sa star nilang si Vhong at gagawin ang lahat para proteksiyonan siya. Naroroon pa ang kaibigan niyang si Kris Aquino, na ang kapatid ay presidente ng Pilipinas noon.
Ngayon nang ungkating muli ang kaso, may lumabas na desisyon ang Court of Appeals na nagsabing mali, at walang karapatan ang piskalya sa ilalim ng batas na magpawalang bisa sa isang reklamo ng rape. Dapat ang korte ang magsabi niyon. Dahil diyan iniutos ng Court of Appeals ang mabilis na pagsasampa ng kaso kay Vhong sa tamang hukuman. Umapela ang legal team ni Vhong, pero wala pang desisyon ang CA sa kanilang apela, dahil doon nananatili ang unang utos.
Nang magpalabas ang Branch 116 ng warrant of arrest laban kay Vhong para sa kasong acts of lasciviousness, at nagtakda ng piyansang P36,600para roon, mabilis na sumuko si Vhong sa NBI at naglagak ng piyansa. Pero habang inaayos pa lamang ang kanyang release, nakatanggap ang NBI ng bagong warrant na ipinalabas naman ng Branch 69 ng Taguig din para sa kasong rape. Sinabi pa ni Judge Lorelie Cruz Dahican na walang itinatakdang piyansa ayon sa batas, para sa mga suspect sa kasong rape. Kaya detenido si Vhong, mabuti nasa NBI siya. Kung nang lumabas ang warrant na iyon at nauna ang pulisya, City Jail ang bagsak niya. At least iyong NBI detention, mas maayos kaysa makulong siya sa selda sa city jail.
Hanggang hindi naaayos ng kanyang legal team ang kanilang apela sa CA, mananatili ang utos at mananatili rin siya sa detention ng NBI. Pero ano man ang sabihin ninyo, mas ok pa rin ang kalagayan niya kaysa kung nangyari iyan sa karaniwang tao. At least Vhong Navarro pa rin siya at mas maluwag pa rin ang treatment sa kanya.