HATAWAN
ni Ed de Leon
PINAGTATALUNAN kung sino ang gumawa ng klasikong linyang, “you’re nothing but a poor third rate trying hard copy cat” sa Bituing Walang Ningning. Sinabi ni Cherie Gil noon na ang linyang iyon ay sa kanya, kaya nga hindi ba umangal siya nang gamitin iyon sa live musical ng Viva? Pero dahil doon sinabi ni Maning Borlaza na siyang director ng pelikula na siya ang nagbigay ng dialogue na iyon. Kilala si Maning bilang director at writer sa paggawa ng ganyang klaseng mga linya.
Wala na si Cherie ngayon para magsalita. Wala na rin si Maning. Baka may umangkin namang idea niya ang linyang iyon?
Naroroon kami sa Annabelle’s Restaurant nang kunan ang eksenang iyon, pero hindi na kami makikihalo riyan.
Natatandaan namin, wake iyon ni Mario Hernando sa Mt. Carmel Church nang napagkuwentuhan din namin ang mga pagbabagong ginagawa sa pelikula. Nagkukuwento si Maning, itinuturo niya akong testigo sa mga pagbabagong iyon. Nakikinig sa usapang iyon si Ate Vi. Ewan kung natatandaan pa niya ang mga kuwento, pero maraming “matalinong” umaangkin talaga ng kredito ng iba. Ganyan naman sa show business hindi ba?