TINATAYANG aabot sa 300 pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog na tumupok sa 50 kabahayan sa isang residential area nitong Miyerkoles ng gabi sa Pasay City.
Sa ulat ng Pasay Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog sa isang bahay sa E. Rodriguez St., Brgy. 144, na naitala ang unang alarma dakong 7:27 pm.
Naapula ang sunog makaraan ang mahigit apat na oras at walang naiulat na nasaktan o namatay sa insidente.
Agad namahagi ng tulong at pagkain sa mga nasunugang biktima si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano at mga tauhan ng lokal na Social Welfare Development Office (SWDO) at itinakdang evacuation site ang Timoteo Paez Elementary School.
Ani Calixto-Rubiano, pansamantalang namahagi ang lokal na pamahalaan ng mga modular tents na matitirhan ng mga biktima gayondin ng mga magagamit na toiletries, hygiene kits, beddings, pati na rin ng pagkain para sa mga susunod pang araw.
Kasabay nito, personal na bumisita si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo na nagpaabot ng kanyang tulong na nagmula sa nabanggit na ahensiya ng gobyerno.
Nagpasalamat si Calixto-Rubiano kay Tulfo sa pagtugon sa ibang pangangailangan ng mga nabiktima ng sunog.
“Sa mga pagkakataong ganito, kailangang mabigyan sila ng pagkain at matingnan ang kanilang kalagayang pisikal,” ani Calixto-Rubiano. (MANNY ALCALA)