HATAWAN
ni Ed de Leon
INAABANGAN ng fans si Deputy Speaker Vilma Santos–Recto sa huling sesyon ng Kongreso, lalo na nga’t iyon ay isang joint session para iproklama ang susunod na presidente at bise presidente ng bansa. Naroroon si Senador Ralph Recto pero si Ate Vi nga ay wala.
Bakit wala si Ate Vi ganoong nanunungkulan pa naman siya bilang congresswoman ng Lipa hanggang sa Hunyo 30?
“Simula pa noong pandemic, nag-a-attend ako ng sessions via zoom, dahil sa mga ipinatutupad na quarantine noon lalo na nga sa mga kasing edad ko. Valid attendance naman iyon dahil nga sa mga restriction na itinakda ng IATF, at hanggang ngayon may covid pa rin naman.
“Iyon namang sessions na iyon ay halos ministerial na lang. Walang pagtatalunan doon dahil milyon-milyon ang lamang ng nanalo, wala namang matibay na usapan ng dayaan. Noong nakaraan may protesta agad dahil sa pagpapalit daw ng tauhan ng Smartmatic ng microchips sa computer ng server. Ngayon walang ganoon. Sa simula pa lang nagsalita na ang abogado ng ibang kadidato na iginagalang nila ang resulta ng eleksiyon at wala silang anumang objections. Kaya magbibilangan lang bilang kompirmasyon na tama ang unang bilang at tapos pagtitibayin iyan sa plenaryo.
“Kaya ang mas inaasikaso ko ngayon at sa tingin ko tungkulin ko sa mga mamamayan ng Lipa ay iyong smooth transition ng office ko kay Cong. Ralph. Ayoko namang pagdating niya roon kulang-kulang ang naisalin sa kanya.
“Nag-aayos din kami ng office. Si Ralph will stay in his former office in Lipa, samantalang iyong ginagamit ko noong office ire-retain ko pa rin. Dahil kagaya nga ng sinabi ko in my private capacity ay tutulong pa rin ako sa Batangas, hindi lang sa Lipa.
“Ang feeling ko nga, mas malaya akong makatutulong ngayon dahil wala na ang restrictions ng office ko,” sabi ni Ate Vi.