HATAWAN
ni Ed de Leon
ISA pang nakaligtas sa kaso si Tony Labrusca. Sinabi ng Makati Metropolitan Trial Court na mahina ang ebidensiyang iniharap laban kay Labrusca na magpapatunay na binastos nga niya ang complainant.
Ang isa pang sinasabi nila noon, nakalampas na ang prescription period bago naisampa ang kaso.
Mabuti iyan para kay Labrusca, dahil wala na nga siyang iniisip na kaso. Hindi na magkakaon ng delay kung ano man ang tatanggapin nilang trabaho. Kung may kaso siya, mahirap dahil hindi maaaring hindi siya sisipot kung may hearing. Istorbo naman iyon kung may makakasabay na schedule ng kanyang taping.
Isa pa, iba rin siyempre ang may inaalala siyang kaso. Iyon nga lang maaari pang umapela ang complainant kaya makabubuting samantalahin na niya ang pagkakataon para naman maayos ang problema at maiwasan nang umapela pa ang kanyang mga nakalaban. Sa ganyang sitwasyon naman, mas makabubuti kay Tony kung makipagkasundo na at maiwasan kung ano pang problema ang maaaring sumunod. Maganda rin naman iyon para sa image niya.
Isa pa iyang si Labrusca ay natatangay ng init ng ulo. ‘Di ba noon nagkaroon din siya ng kaso sa isang immigrations official na tama naman ang ipinatutupad na regulasyon?