HATAWAN
ni Ed de Leon
PATI si Geneva Cruz ay nagsanay pala at matapos maka-graduate ay kabilang na ngayon sa reserved force ng Philippine Air Force bilang isang sarhento. Napansin lang naming simula pa noong nakaraang dalawang taon, napakaraming mga artista natin ang nagsasanay at tapos ay nagpapa-draft sa reserved forces ng Armen Forces of the Philippines, at dahil mga artista sila ay nakatutulong sa publisidad, aba eh lahat yata sila may ranggo agad nang makapasok. At sinasabi ngang ang training nila ay hindi rin naman kasing tindi niyong sa mga tunay na sundalo. Hindi mo talaga masasabing matapos lamang ang tatlo o kahit na anim na buwan pang pagsasanay magiging handa na sila sa labanan.
Palagay namin kung iyang mga reserved force na iyan ang bibigyan ng assignment, doon iyan ilalagay sa non-combat operations ng military. Kung may mga civic action siguro roon mo naman sila pakikinabangan. Basta may picture taking, tiyak sila ang ibabandera riyan. Pero sa totoo lang mahalaga iyan. Una kung ang mga artista ay boluntaryong pumapasok sa military, mahihikayat ang marami pang ibang mga kabataan na sumailalim din sa training, at kailangan nga dahil dito sa ating bansa ay inalis na, at mahigpit ang pagtutol sa mandatory ROTC dahil sa dagdag na gastos ng mag-aaral at ang hindi mapigil na hazing. Kahit nga sa PMA may namamatay dahil sa hazing eh.
Maganda rin naman iyan, dahil sa lagay ng mundo ngayon, hindi mo masasabi kung kailan ka maaapektuhan ng giyera. Kung magkakaroon ng giyera, hindi na kagaya noong World War II na ang labanan ay street fighting. Sa panahong ito bombahan na ang laban. Tingnan nga ninyo iyong nangyari sa Marawi, hindi pa talagang giyera iyon. Maute group lang ang kalaban, pero napulbos sa bomba ang lunsod. Kung totoong giyera pa iyan, mas masahol na riyan.
Naalala tuloy namin ang sikat na Ukrainian actor-singer na si Pasha Lee. Bigla siyang gumawa ng live video na inilabas niya sa social media. Nagpaalam siya na iiwanan muna niya ang showbiz career dahil sasama siya sa pagtatanggol sa kanilang bansang Ukraine.
Sumali nga siya sa Terrotorial Defense Force ng armed forces. Nakipaglaban siya para sa kanilang bansang sinasakop ng Russia, hanggang sa namatay siya nang bombahin ng Russia ang Irpin. Nagluksa ang buong Ukraine nang siya ay mamatay, pero talagang ganoon sumama siya sa militar eh panahon pa naman ng giyera.