USAPING BAYAN
ni Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD
ANG neo-liberalismo ay isang sistemang pang ekonomiya at politikal na nagmula sa kanluran. Isang Austriano-Ingles ang utak nito, si Friedrich von Hayek.
Ayon sa siste ni Hayek, dapat ay bigyang layaw ang walang patumanggang pagkahayok at pamamayagpag ng kapital sa pamamagitan ng deregulasyon at “minimum state interference” na niyakap ng America at ipinipilit sa mga kaalyadong bansa nito.
Sa ilalim ng sisteng ito ay bawal makialam ang pamahalaan sa kilos ng kapital. At dahil ang esensiya ng pangangapital ay ang pagkakamal ng tubo, ito ang dahilan kaya maliit ang sahod ng mga manggagawa at empleyado, nawawalan ng proteksiyon ang bayan laban sa mga biglaang pagtaas ng halaga ng bilihin at dahil din dito ay nagiging malaganap ang korupsiyon. (Ito ang dahilan kaya para sa inyong lingkod ay hindi korupsiyon ang problema bagkus ito ay sintomas lamang ng mas malalang suliranin).
Ang Neo Liberalismo rin ang dahilan kaya walang gamot sa mga pampublikong pagamutan dahil hindi puwedeng suportahan ang mga ito ng pamahalaan. Ang suporta ng pamahalaan sa mga pagamutan at klinikang bayan ay itinuturing na pangingialam ng pamahalaan sa kapital.
Bakit ibenenta ang Petron, bakit nawala ang food terminal, samahang nayon, ISMI, Kadiwa atbp? Ito’y dahil sa deregulasyon ng Neo Liberalismo. Ayon sa mga Neo Liberal, kailangang gawing pribado ang lahat ng sektor at tanging indibiduwal lamang na may tangan ng kapital ang dapat magpapasya para sa ating lahat.
Ang International Monetary Fund/World Bank ng Amerika ang tagapagpatupad ng Neo Liberalismo sa mundo at ang dolyar ng Amerika ang saligang pananalaping gamit nito. Ito ang dahilan kaya lahat ng tumututol sa deregulasyon at ayaw gumamit ng US dollar ay nagiging biktima ng tinatawag na “color revolutions” at mga marahas na coup d’ etat.
Ayon sa tala ng WB, ang Filipinas ay nasa proseso ng tunay na industrialisasyon nang maganap ang dilawang EDSA Revolution.
Ang Filipinas ay nasa ilalim ng kontrol ng IMF/WB simula pa noong 1946. Tumindi ang panghihimasok ng IMF/WB sa ating ekonomiya noong 1986, sa panahon ni dating Pangulong Cory Aquino matapos ang EDSA. Ito ‘yung panahon na nag-umpisa ang mantra ng deregulasyon. Isa-isang nawala ang Kadiwa, Petron at suporta sa mga sakahan, pagamutan at transportasyon (naalalala pa ba ninyo ang Metro Manila Transit at Love Bus?).
Dapat din nating malaman na halos lahat ng naging pangulo at ekonomista ng bansa mula 1986 ay nagpagamit sa IMF/WB dahil ang teorya ni Hayek ang kanilang napag-aralan sa mga unibersidad, lalo na ‘yung nakabase sa Amerika.
Kaya sa darating na eleksiyon ay kaiingat tayo sa mga lider na aral sa ibang bansa kundi man sinuso ang kamulatang pang-ekonomiya ni Hayek sa ating mga premyadong paaralan.