YANIG
ni Bong Ramos
ISANG maligayang Pasko sa ating lahat sa kabila ng mga hirap at pasakit nating pinagdaraanan sa panahong ito ng pandemya.
Ang Paskong-paksiw naman ay isang termino para sa karamihan ng ating mga kababayan na tuloy pa rin hanggang sa ngayon ang sakripisyo sa kanilang buhay.
Ang Paskong ito ay hindi na tulad ng mga nakalipas na Pasko na kung saan ay siguradong may gayak na maski paano ang ating mga hapag-kainan, mayroon na sigurong keso, tinapay, at maski na anong klaseng mainit gaya ng kape, tsokolate, at salabat.
Maski ganoon ang sitwasyon, pinipilit pa rin nating lahat na maging masaya ang kaarawan ng ating Panginoon sabay sa dalangin na nawa’y malagpasan na ang kasalukuyang krisis.
Ito na ang pangalawang Pasko natin sa panahon ng pandemya at sana naman ay huwag nang abutin ng ikatlo, manumbalik na harinawa ang normal nating Paskong kinagisnan na masaya ang lahat.
Malayong-malayo talaga ang mga Paskong ito kaysa mga lumipas na mararamdaman ng lahat ang malamig at halimuyak ng simoy ng hangin.
Ang mga dating carollera na tumatapat sa bahay-bahay ay ilan-ilan na lang, ang pagbati sa isa’t isa ay madalang na rin, mas lalo na siguro ang kaganapan ng mga Christmas party o maski na anong piging at salusalo.
Lubha tayong pinahirapan ng pandemyang dulot ng CoVid-19 na sinalihan pa ng pagdating ng kung ano-ano klaseng variant na galing kung saan-saan.
Bagama’t ganito nga ang sitwasyon ay hindi mo pa rin makikitaan ng anomang senyales ng kalungkutan ang mga Pinoy na para bang sinasabing “kayang-kaya natin ito!” He he he…
Nasa isa’t isa pa rin ang kinaulatan nating tulungan at bayanihan sa sinumang nangangailangan ng tulong at anomang kalinga.
Maging maligayang Pasko o Paskong-paksiw man ay makikita pa rin ang sigla at kasiyahan sa ating mga kababayan na hindi marunong madala sa anomang malulungkot o nakadedesmayang kaganapan.
Mababakas pa rin sa mukha ng kapwa natin Pinoy ang galak gayong ibang klaseng hirap na ang pinagdaraanan, ‘di pa rin ipinahahalata.
Mas lalo sigurong napakahirap ng dinaranas ng ating mga kababayan sa ilang lugar sa Visaya, Mindanao, at Palawan na natiyempo sa pananalasa ng bagyong Odette.
Dapat natin silang hangaan sa ipinapakita nilang kakaibang tapang at lakas ng loob sa pagharap sa kasalukuyan nilang tadhana, mahirap po iyang ganyang sitwasyon.
Mantakin ninyong isang linggo na lang bago sumapit ang araw ng Pasko at doon pa dumating itong si bagyong Odette?
Hindi po bale, basta’t isipin n’yo na lang na hindi ito ibibigay ng Diyos kung hindi rin lang natin maka-kayanan, tama po ba?
Ganoon din ang dapat isipin ng lahat ng Pinoy, malalampasan din natin ang lahat ng ito at marami pang darating na Pasko sa ating buhay.
Sa ngayon ay kailangan pa rin natin ang ibayong pag-iingat sa ating mga kalusugan, sa ating mga sarili at lalo na sa ating kapwa.
Sa muli, isang maligayang Paskong-paksiw po sa ating lahat…mabuhay!