OPISYAL nang itinalaga ni Police Regional Office (PRO3) regional director P/BGen. Valeriano De Leon si P/Col. Manuel Lukban, Jr., bilang acting provincial director (APD) ng Bulacan Police Provincial Office, sa isang formal turnover rites sa Bulacan Provincial Headquarters sa Camp General Alejo S. Santos, lungsod ng Malolos, nitong Biyernes, 8 Oktubre.
Hinalinhan ni P/Col. Lukban si dating Bulacan Police Provincial Director, P/Col. Lawrence Cajipe, na nagsilbi bilang mahigit isa at kalahating taon at ngayon ay itinalagang bagong Regional Directorate Chief of Staff (RCDS) para sa PRO3.
Kabilang si Lukban sa Tagapamayapa Class 1990 ng Philippine National Police Academy (PNPA) at bago naitalaga bilang acting provincial director ng Bulacan, siya ay nagsilbing hepe ng Plans and Programs Division ng PNP Directorate for Police Community Relations.
Nagsilbi rin siya bilang hepe ng PRO-12 Directorial Staff, chief of police ng Malolos PNP noong 2007, at Makati PNP noong 2014.
Tiniyak ng bagong Top Cop ng Bulacan na ipagpapatuloy niya ang mahigpit na panukalang panseguridad, walang tigil na pagsisikap, at pagpapatupad ng maigting na kampanya laban sa ilegal na droga at terorismo, at pagsugpo sa lahat ng uri ng krimen upang mapanatili ang peace and order sa buong lalawigan ng Bulacan.
Binigyang-diin din ni PD Lukban, magsasagawa siya ng estriktong diskarte sa pagpapatupad ng Internal Cleansing Policy (ICP), na ang layunin ay resolbahin ang maliliit na problema sa police service, upang magarantiyahan ang kalidad ng ranggo ng police officers.
Dagdag ng opisyal, palalakasin niya ang ugnayan sa pagitan ng PNP at komunidad partikular sa Advocacy Support Groups at Force Multipliers, upang matiyak ang paglahok at pakikipagtulungan ng taongbayan.
(MICKA BAUTISTA)