HATAWAN
ni Ed de Leon
TOTOO na kayang matutuloy iyang Darna, na noon ay pelikula at ngayon ay TV series na pala, na ilalabas sa cable at sa blocktime sa ibang channels, dahil wala pa ngang franchise ang ABS-CBN, at depende pa sa mangyayari sa 2022 kung makababalik ba sila talaga o hindi? Wala man si Presidente Digong na galit sa kanila, eh paano na ang mga congressmen na sinabihan nilang hindi dapat iboto dahil ipinagkait sa kanila ang franchise nila, paano kung makabalik pa rin ang mga iyon sa house?
Iyang seryeng iyan ay nagsimula nang napakalaking plano. Originally si Angel Locsin ang Darna na kung iisipin mo at that time ay talagang perfect. Pero nagkaroon ng problema sa spinal column si Angel, at kahit na naoperahan at nagpagamot sa Singapore, hindi na nga raw makapag-a-action dahil delikado.
Tapos si Liza Soberano naman, na kung titingnan mo perfect ding Darna dahil mukhang super hero talaga. Kaso nabalian naman ng daliri sa taping noong ginagawa niya iyong Bagani. Matagal ding nagpagamot hanggang sa lumabas na hindi na raw puwede.
Bagsak sila sa baguhang si Jane de Leon, na hindi pa kilala. Kaya inilagay muna nila sa ibang projects para makilala ng kaunti bago isabak sa magastos na proyektong Darna.
Ganoon din naman ang mga director. Ilang taon ang pag-aaral at paghahandang ginawa ni Erik Matti, at ang napakaraming interview sa kanya tungkol sa Darna, na kalaunan nagkaroon ng problema at napalitan siya. Sumunod si Jerold Tarog, na nagsimula na ring magplano kung paano niya paliliparin ang kanyang bida, na nainip na yata sa tagal ng paghihintay kaya umatras na rin.
Ngayon ang kilalang drama director na si Chito Rono na ang gagawa ng Darna. Aba eh baka kahit bawal pa, kailangang lumakad sila nang paluhod sa Baclaran para matuloy na iyang project na iyan. Ilang taon na iyan eh, hindi matuloy-tuloy. Noon may nagsasabi pa ngang basta aalukin siyang mag-Darna tatanggihan na niya kasi lahat ng alukin ng role napipilayan. Iyong director naman hindi na dapat magkuwento, dahil oras na magkuwento siya kung ano ang plano niya hindi na natutuloy.
May nagsasabi ngang baka naman masamang pangitain na iyan. Sa halip na maulit ang ”lipad, Darna, lipad” ay maging ”gapang, Darna, gapang.”