Monday , November 25 2024
party-list congress kamara

Partylists pinakyaw ng political dynasties, celebrities, businessmen, atbp

BULABUGIN
ni Jerry Yap

MARAMING lumalabas na ‘memes’ ngayon sa social media kaugnay ng eleksiyon para sa Mayo 2022.

        May mga nagsasabing, ang mga kandidatong  bantad sa asuntong korupsiyon gaya ng plunder o pandarambong sa pondong mula sa buwis ng mga mamamayan ay parang mutant mula sa virus na CoVid-19 — ang bilis ng mutation — kaya mabilis din lumikha ng iba’t ibang variants.

        Sabi tuloy ng isang doktor, “buti pa ang CoVid-19 kapag pumasok sa katawan ng isang tao at walang mapaglilipatan ay namamatay. Pero ang mga politiko, kahit nasangkot o napatunayang nandambong kapag narinig ang terminong eleksiyon biglang nakararamdam ng kakaibang adrenalin — at tila nagiging isang mutant.”

Sobrang kapal talaga… gaya ng mag-amang politiko na parehong may asuntong plunder.

Isang ‘meme’ naman ang galit na galit sa pagpapasara ng ABS-CBN. Dahil daw sa venganza ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga Lopez, hayan maraming entertainment artists ang nawalan ng trabaho at ngayon ay naghahanap ng oportunidad sa politika.

Ang pangkaraniwang linyang ‘gustong magsilbi sa bayan’ ang bitbit para pumasok sa mundong mas magulo pa sa showbiz.

Pero ang pinakanakaiinis at talaga namang nakamumuhi ay ang paggamit sa partylist system ng angkan-angkang  political dynasties, ilang celebrities, at businessmen.

Ang partylist system, supposedly, ay isang sistema na pabor sa marginalized sector. ‘Yun bang hindi kayang sumabay sa laki ng gastos sa kampanyahan kapag regular district representative ang aasintahin. Kaya ginawa ng mga ‘naghahanapbuhay’ o nagkakamal sa pamomolitika, nagbuo ng mga partylist na ‘kunwari’ ay kumakatawan sa iba’t ibang batayang sektor.

E sa totoo lang, kung magiging masinop ang Commission on Elections (COMELEC), sa track records pa lang ng mga nag-a-apply na partylist, makikita agad kung sino ang genuine, lehitimo, at tunay na may malasakit sa sector na kanilang kinabibilangan.  

Pero hindi natin maintindihan kung saang bulsikot ng pag-unawa kinukuha ng COMELEC officials ang kanilang ‘wisdom’ para tanggapin ang mga nominadong hindi naman totoong kumakatawan sa marginalized sector.

Gaya nitong si Ms. Celine Pialago, dating Assistant Secretary at tagapagsalita ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nag-resign nitong nakaraang Biyernes para raw maghain ng kandidatura bilang kinatawan ng party-list na Malasakit Movement Partylist.

Ito raw ang party-list para sa mga barangay officials gaya ng mga kagawad, barangay tanod, frontliners at barangay health workers. Tatrabahuin daw niya para magkaroon ng standard benefits ang mga nabanggit na opisyal o volunteers ng mga barangay.

Katawa-tawa naman itong si Ms. Pialago, unang arangkada pa lang, bokya na naman. Partylist po ang ikinakampanya hindi ang tao. Saka hindi ikaw ang gagawa, dapat matagal nang ginagawa ng organisasyon ninyo sa batayang sektor na gusto katawanin.

Saka may Department of the Interior and Local Governemnt (DILG), ang ahensiyang namamahala sa kapakanan ng mga barangay officials, barangay volunteers o auxiliary brigade.

Ano pa ang gagawin ninyo sa Kongreso Ms. Pialago?  Ang dami nang epal doon na walang ginawa kundi gumawa ng mga batas na pabor sa kapakanan nila at hindi para sa taongbayan.

Dapat sigurong gawin ng Comelec ay ilantad kung sino-sino ang mga kinatawan ng sandamakmak na partylists na ginamit nang ekstensiyon ng iba’t ibang angkan ng political dynasty sa bansa, mga politikong tapos na ang termino pero gustong manatili sa puwesto, mga bilyonaryong negosyante (marginalized ba sila?) at iba pang nagsasamantala sa partylist system.

Ngayon ko naaalala si Pascual Racuyal, ang perennial na presidential candidate mula noong 1935 sa panahon ni dating pangulong Manuel Luis Quezon hanggang noong 1986 elections na tumapat sa dating pangulong  Ferdinand Marcos at Corazon Aquino.

Ang plataporma noon ni Racuyal, kapag nanalo siyang presidente ng Filipinas, lahat ng kalsada gagawin niyang plastic para hindi raw nasisira. At ang Batasang Pambansa (unicameral pa noon) ay gagawin niyang piggery o pag-aalaga ng mga patabaing baboy. Buti pa raw ang piggery pagkatapos ng anim na buwan ay may kita, pero ang Batasang Pambansa, walang ginawa kundi gumastos at maghakot ng kuwarta.

Magtataka pa ba tayo kung bakit maraming gustong pumapasok sa politika?

Parang tama si Racuyal, mas mainam mag-alaga ng biik o baboy kaysa ‘buwaya.’

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit hatawtabloid.com

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Miss Universe Philippines 2024 Chelsea Anne Manalo, hinirang bilang Natatanging Kabataang Bulakenyo

LUNGSOD NG MALOLOS – Iginawad ang prestihiyosong Natatanging Gintong Kabataang Bulakenyo award kay Chelsea Anne …

Technology and Resilience Take Center Stage in DOST 9 RSTW

Technology and Resilience Take Center Stage in DOST 9 RSTW

The Department of Science and Technology (DOST), in collaboration with Western Mindanao State University (WMSU), …

MOHS Remed Pharmaceuticals

MOHS acquires major pharma company

In pursuit of its strategy of vertical integration of its flagship healthcare and wellness business, …

First Lady Liza Marcos nagbigay ng ayuda sa mga biktima ng bagyo

First Lady Liza Marcos nagbigay ng ayuda sa mga biktima ng bagyo

PINANGUNAHAN ni First Lady Marie Louise “Liza” Araneta Marcos ang distribution ng ayuda sa daan-daang …

Benhur Abalos Jr Senate

Benhur Abalos, top 9 ng Tangere Survey para  sa 2025 senatorial race

KUNG gagawin ngayonang eleksiyon, pasok sa ika-9 na puwesto si Atty. Benjamin “Benhur” Abalos, Jr., …