Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
Ang bagong Kalibo International Airport (Inayos, pero kulang pa rin!?)
BULABUGIN
ni Jerry Yap
NITONG nakaraang Biyernes ay pinasinayaan ang pagbubukas ng mas pinalaki at makabagong Kalibo International Airport .
Sa tulong ng Department of Transportation (DOTr) at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ay natapos din ang renovation ng nasabing paliparan na inabot nang halos mahigit tatlong taong.
Si DOTr Secretary Arthur Tugade at CAAP Director General Captain Jim Sydiongco ay kapwa dumating upang pangunahan ang naturang selebrasyon.
Dahil sa upgraded gateway ng KIA ay inaasahang makatutulong sa paglago ng ekonomiya ng Aklan at mga karatig probinsiya na ang pangunahing industriya ay turismo dahil sa isla ng Boracay.
Ang mas pinalaking International Passenger Terminal Building ay mayroon na ngayong kapasidad na tumanggap ng 406 pasahero. ‘Di hamak na mas malaki kompara sa 344 pasahero na tinatanggap nito noon.
Mula rin sa 1,584 metro kuwadradong sakop ng PTB ay umabot na ito ngayon sa 2,633.4 metro kuwadrado.
Dahil sa paglaki ng PTB ay inaasahang mababawasan ang paghaba ng pila ng mga pasahero na dati ay umaabot pa hanggang sa kabilang domestic passenger terminal building.
Sa pagtatapos ng naturang IPTB, natupad ni Tugade ang pangako sa probinsiya na makapagdudulot sila ng karagdagang trabaho sa mga taga-Aklan.
Kabilang ang Kalibo International Airport sa regional transport infrastructure development sa ilalim ng “Build, Build, Build” program ng Duterte administration.
Congrats, SOT Tugade and CAAP DG Sydiongco!
Hindi lang po natin alam kung umabot na sa inyong kaalaman na pagdating sa stakeholders ng airport gaya ng Customs, Immigration at Quarantine ay nagiging matipid ang opisina ng CAAP.
Hanggang ngayon ay hindi pa kompleto at luma ang pasilidad ng mga opisina at counters nila.
Madalas ay sila pa ang naaawitan ng CAAP na magpagawa ng kanilang pasilidad imbes na sagot ito ng management ng airport.
Arayku!
Kaya sariling sikap na lang… ganern?!