Bagong Covid-19 facility pinasinayaan sa Pampanga
PINANGUNGUNAHAN ni Dr. Monserat Chichioco, hepe ng Jose B. Lingad Memorial General Hospital (JBLMGH) Medical Center, kasama sina Health Undersecretary Dr. Leopoldo Vega, Dr. Maria Francia Laxamana, Assistant Secretary of Health, at Central Luzon Center for Health Development officer Dr. Corazon Flores ang pagpapasinaya sa bagong tayong P50-milyong CoVid-19 Critical Care at Isolation Building sa JBLMGH nitong Biyernes, 28 Mayo, sa lungsod ng San Fernando, lalawigan ng Pampanga.
May kakayahan ang pasilidad na maglaman ng 50 pasyente, at pinondohan mula sa Health Facilities Enhancement Program ng DOH.
May 21 sariling isolation room sa unang palapag at 29-bed capacity sa ikalawang palapag.
Kasabay na pinasinayaan ang Out-Patient Department (OPD), Public Health Unit, at ang Women’s Wellness and Cancer Center Building.
Samantala, inilaan ang pitong palapag ng gusali para sa iba’t ibang serbisyo para sa kalusugan hindi lamang para sa mga Kapampangan kundi sa mga pasyente mula sa mga karatig lalawigan.
Kasamang dumalo sina Congressman Dong Gonzales, at mga miyembro ng Sanggunian Panlalawigan, Mylyn Cayabyab, Ferdinand Labung, Nelson Calara, Benjamin Jocson at ABC President Renato Mutuc. (RAUL SUSCANO)