ISASAGAWA ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang isang libreng talakayan sa akdang “Pahayag” ng bayaning manunulat na si Emilio Jacinto sa 30 Abril 2021.
Tinatawag ang proyekto na Onlayn Talakayan sa mga Babasahín sa Kulturang Filipino na serye ng mga libreng sesyon sa pagbása at diskusyon. Layon nitóng magpasigla ang kultura ng pagbabasá at pagbabahagi ng kaalaman.
Kinakailangan lámang magpatalâ ang mga kalahok sa https://tinyurl.com/yxhnxkt6. Maaaring magpatalâ hanggang 24 Abril 2021. Pipiliin ng KWF ang 30 kalahok para sa nasabing talakayan.
Ipababása sa mga kalahok ang “Pahayag” at pagkakalooban ng gabay na video na magpapaunlad sa kanilang danas sa pagbása. Matapos nitó ay lalahok sila sa isasagawang talakayan na gagabayan ng mga kawani ng KWF.
Ang 30 indibidwal na dadalo sa talakayan ay pagkakalooban ng KWF ng sertipiko ng paglahok.
Isang ambag din ang proyekto sa pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan ngayong Abril. Ang paggunita sa kamatayan ni Emilio Jacinto tuwing 16 Abril ang isa sa mga dahilan ng pagdiriwang.
Limandaang Taon ng Pagsulat sa Kalibutang Filipino ang tema ng pagdiriwang.
Magkakaroon ng ibang talakayan sa mga sumunod na buwan tampok ang iba’t ibang akda ng mga bayaning manunulat ng Filipinas. Para sa karagdagang detalye, maaaring magpadala ng email sa [email protected], o bumisita sa kwf.gov.ph.