Thursday , December 26 2024

Pagsasailalim sa MGCQ ng Filipinas, makatulong kaya?

MAKATULONG kaya ang pagsasailalim sa Moderate General Community Quarantine (MGCQ) ng buong Filipinas partikular ang National Capital Region (NCR) sa Marso 2021?

Ito ang mga katanungang kasalukuyang bumabalot sa isip at diwa ng ating mamamayan na wala rin namang ibang option kundi ang sumunod at makipagsapalaran.

Ang paglalagay sa MGCQ ng bansa ay hinggil sa rekomendasyon ng iba’t ibang ahensiya ng ating gobyerno na may kinalaman sa ekonomiya at pagsugpo sa pandemyang dulot ng CoVid-19.

Ang mga ahensiyang ito ay pinangungunahan ng Department of Interior and Local Government (DILG), Inter-Agency Task Force (IATF), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Health (DOH) at National Economic Development Agency (NEDA) na sumasangayon na ilagay sa MGCQ ang buong kapuluan.

Halos lahat o mayoridad ng mga nabanggit na ahensiya ay iisa lang ang rason kung bakit dapat nang ilagay sa MGCQ ang bansa at ito ay dahil sa namimiligrong paglubog nang palubog ng ekonomiya.

Kaakibat nga naman nito ang hirap at gutom na sasapitin ng ating mga kababayan kung mananatiling ganito ang estado ng kalakaran na hindi man lang umuusad at gumagalaw.

Ang mga rekomendasyong ito ay pinangungunahan nina DTI Secretary Ramon Lopez, DILG Secretary Ed Año at NEDA Acting Secretary Karl Kendrick Chua na nagmungkahing simulan nang buksan ang lahat ng negosyo para sa kapakanan ng marami.

Sinabi rin nila sa kanilang rekomendasyon na palawigin ng 75 porsiyento mula sa 50 porsiyento ang mga pampublikong sasakyan upang may masakyan ang mga mamamayan na muling magtatrabaho sakaling maging MGCQ na ang bansa.

Rekomendado rin nila na payagan nang lumabas ng bahay ang may edad 5-70 anyos. Dati kasing hindi pina-payagang lumabas ng kanilang bahay ang may edad 15 anyos pababa at 65 anyos pataas.

Iminungkahi rin ang pagdaraos muli o implementasyon ng face-to-face classes para sa mga estudyante upang bumalik ang sigla ng edukasyon na kanilang kinagisnan.

Sa pagpapatupad nga naman ng lahat ay nandoon at dapat pa rin sundin ang health protocols tulad ng paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face mask at ang social distancing.

Malakas ang punto de vista na isailalim sa MGCQ ang bansa kaysa manatili ito sa GCQ na para tayong tumatawid sa manipis na alambre.

May pagkakataon rin naman kasing kailangan nating alisin muna ang takot at pangamba sa ating puso at diwa, go go go… no guts, no glory.

Mas mainam din naman na mamatay tayong lumalaban at nakikipagsapalaran kaysa naman manatili na lamang tayong nakasandal at umasa sa ayuda ng gobyerno.

Obligado rin tayong gumalaw-galaw sa paghahanap ng kabuhayan kaysa mamatay sa gutom na dilat ang mga mata.

Ayon sa huling ulat, napag-alaman na hindi sumang-ayon ang Pangulong Digong Duterte sa mga rekomendasyon ng mga nasabing ahensiya. Hindi aprobado na ilagay sa MGCQ ang bansa kung kaya’t mananatili tayong nasa GCQ.

Sinabi ng palasyo na mas minabuti raw ng Pangulo na mapabakunahan muna ang lahat bago magluwag para rin sa ating sariling kalusugan at kapakanan.

Harinawa’y aprobahan o subukan man lang ni Pangulong Digong ang mga rekomendasyon ng mga ahensiyang ito na ilagay na sa MGCQ ang Filipinas.

Laban nang laban, walang bawi-bawi.

Nangako naman si vaccine czar Carlito Galvez, Jr., na darating na sa Marso sa ating bansa ang unang bahagi ng mga bakuna mula sa Sinovac ng China.

Marami ang nananalangin na matupad na sana sa pagkakataong ito ang pangako ni Galvez na ilang beses na rin naunsiyami at napako, promise ha, Sec. Galvez. ‘Di ba promises are made to be broken? He he he…

Ilang grupo naman ng mga employer ang nagsasabing walang mangyayari sa ating ekonomiya kung hihintayin pa ang pagdating ng mga bakuna. Sakali man daw dumating, ilang dekada na naman ang ating hihintayin bago maiturok ito sa ating lahat.

Sana’y manatili tayong maging positibo sa ating mga pananaw sa buhay. Sana ay maging matagumpay ang mungkahing ito na isailalim sa MGCQ ang buong bansa sa lalong madaling panahon.

Huwag din sana tayong magsawang manalangin sa Poong Maykapal para sa kalutasan ng pandemyang ito dulot ng CoVid-19. Kayang-kaya nating lagpasan ang lahat ng pagsubok na ito.

YANIG
ni Bong Ramos

About Bong Ramos

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *