HATAW News Team
MARIING kinondena ng iba’t ibang grupo ang pagbabanta ni Lt. General Antonio Parlade sa isang lady journalist na isinulat ang balita kaugnay sa oral arguments sa kontrobersiyal na Anti-Terror Act (ATA) sa Korte Suprema.
Nagbanta si Parlade, na gagamitin ang ATA laban kay inquirer.net reporter Tech Torres-Tupas ay nagbigay katuwiran sa mga argumento na ang batas ay gagamitin laban sa mga kritisismo at hindi sumasang-ayon.
Sa magkakahiwalay na kalatas ng mga grupo ng mga mamamahayag, abogado, at human rights advocates, kinondena ang komento ni Parlade sa social media na nagpapahiwatig na kakasuhan si Torres-Tupas “for aiding terrorists by spreading lies.”
Binatikos ng heneral ang isinulat na balita ni Torres-Tupas hinggil sa mga Aeta na hiniling sa Korte Suprema na sumali sa petisyon upang maibasura ang ATA.
Sinabi ng Justice and Court Reporters Association (JUCRA) sa isang statement, kung nagsaliksik lang at nakinig si Parlade sa oral arguments, dapat ay nalaman niya na ang ginawa niyang posts sa social media na nagbanta na kakasuhan si Torres-Tupas ay ang tinutukoy ng mga petitioner na ebidensiya ng “threat” kaya’t kailangan isagawa ang judicial review sa ATA na isinusulong ng heneral.
“Had Parlade also done his research and listened to the oral arguments, he would have known that posts like these are what petitioners claim as evidence of a credible threat of prosecution – threat that can warrant a judicial review of the law he seeks to protect and promote,” pahayag ng JUCRA.
“In a grotesque way, he is actually reinforcing and validating the myriad of objections and criticisms against the ATA,” ani Edre Olalia, National Union of People’s Lawyers (NUPL) President.
Nagpahayag din ng pagkaalarma ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa pagbabanta ni Parlade kay Torres-Tupas dahil hindi lang sa mga kumukuwestiyon sa ATA niya ito ginagawa kundi maging sa mga mamamahayag na nagko-cover sa judiciary beat.
Ang kawalan ng aksiyon ng gobyerno sa banta laban kay Torres-Tupad at ibang katulad na pahayag at babala laban sa mga aktibista at journalists ay nangangahulugan na may basbas ito ng pamahalaan at iniendoso ang kanilang mga hakbang na taliwas sa ipinangalandakan nila dati na hindi gagamitin ang batas laban sa mga kritiko at hindi sang-ayon sa ATA.
“Government inaction on the threat against Torres-Tupas and on similar statements and threats against activists and journalists means government consent and even endorsement of those actions and belies the claim that the law does not target criticism and dissent,” anang NUJP.