BUO ang paniniwala ni Senadora Imee Marcos na kahit ang kasalukuyang pandemyang kinahaharap ng bansa at ng buong mundo ay hindi madidiskaril o mapipigilan ang nakatakdang 2022 presidential elections.
Ito ay matapos ang unang pagdinig ng Senate Committee on Electoral Reforms na pinamumunuan ni Marcos ukol sa pagtitiyak na matutuloy ang 2022 national at local elections.
Magugunitang maging ang Pangulong Rodrigo Duterte ay tiniyak na handa siyang bumaba sa puwesto sa 2022 matapos maihalal ang magiging bagong presidente na nangangahuugang nais niyang magkaroon ng halalan.
Ayon kay Marcos, ang tanging gagawin ng pamahalaan ay maghanda ng mga pamamaraan sa tinatawag na new normal elections.
Ang ilang mga bansa kasi ay ipinagpaliban ang halalan dahil sa pandemya.
Nitong 19 Enero, nakapagtala ang International Foundation for Election Systems ng 116 eleksiyon na ipinagpaliban sa 69 bansa at walong teritoryo dahil sa paglaganap ng CoVid-19.
Ang Australia, Canada, Germany, Hong Kong SAR, at UK ang ilan sa mga bansang nagdesisyong ipagpaliban ang lokal, municipal o legislative elections nitong nagdaang taon at iniskedyul nilang ituloy ngayong 2021.
“Kailangan tayong magsikap na maging katulad ng South Korea na nagtagumpay noong Abril sa pagsasagawa ng eleksiyong ligtas kahit lumaki pa ang bilang ng kanilang mga botanteng lumahok,” ani Marcos.
Iginiit ni Marcos, maiiwasan nating maging super spreader event ang isang eleksiyon sa gitna ng pandemya kung maaga ang pagpaplano at paghahanda at mababawasan din ang mga hamon sa pagiging lehitimo ng resulta ng eleksiyon.
Ang kawalan ng mga impraestrukturang pang-eleksiyon at pagpaplano para masiguro ang kalusugan at kaligtasan ng mga botante ay sadyang nakababahala, ani Marcos, sabay giit sa maselang sitwasyon ng mga senior citizen, persons with disability (PWD) o may kapansanan, buntis, at indigenous people o mga katutubo.
Idinagdag ni Marcos, karamihan sa mga guro na magsisilbing poll inspectors ay edad 60 pataas at may mataas na tsansang mahawa ng CoVid-19.
“Hindi puwedeng isantabi ang pagpaplano para sa eleksiyon habang hinihintay ang bakuna na dumating. Ang paghahanap ng karagdagang pondo at paglalatag ng mga hakbang na konektado sa pandemya ay hindi nagagawa nang madalian,” paliwanag ni Marcos.
Maaaring pagdudahan ang kredibilidad ng eleksiyon dahil sa mababang bilang ng mga bagong botanteng nagparehistro sa Commission on Elections (Comelec) at kung mababa rin ang bilang ng mga boboto dahil sa takot na mahawa sa sakit o kaya’y kalituhan sa bagong sistema ng pagboto, ani Marcos.
“Dagdag pa riyan ang posibilidad na hindi agad mailabas ang resulta ng eleksiyon kompara sa nakasanayan,” dagdag ni Marcos.
Ang nasyonal at lokal na eleksiyon sa Mayo 2022 ay susundan ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Disyembre.
(NIÑO ACLAN)