TINIYAK ni Mayor Oca Malapitan na makatatanggap ng libreng CoVid-19 vaccine ngayong taon ang mga mamamayan ng Caloocan matapos maglaan ang pamahalaang lungsod ng inisyal na P125-milyong pondo para sa bakuna.
“This is to augment… ang bakunang ilalaan sa ating lungsod ng pamahalaang nasyonal. Ito ay upang matiyak natin na kung kulangin ang ilalaan ng national government ay may nakahanda tayong pambili, upang matiyak na bawat mamamayan ng Caloocan ay mababakunahan nang sa gayon ay matiyak ang kaligtasan ng lahat,” pahayag ni Mayor Oca.
Ayon kay Malapitan, bagamat ang P125-milyong pondo ay nakahanda na, maglalaan pa rin ang pamahalaang lungsod ng P1-bilyon additional fund para sa bakuna, na kukunin sa pamamagitan ng loan.
“Matagal na tayong nakipag-ugnayan sa pamamagitan ng pagsulat sa pharmaceutical companies para masiguro na makakukuha tayo ng bakuna tulad ng Pfizer at Astrazenica, ngunit hihintayin pa rin natin kung anoman ang aprobadong bakuna mula sa Food and Drug Administration (FDA) at ng national government,” paliwanag ng punong lungsod.
Binigyan-diin din ni Mayor Oca na ang pamahalaang lungsod ng Caloocan ay hindi bibili ng hindi aprobadong bakuna ng FDA at hinihintay nito ang guidelines mula sa national government.
Matatandaan, Oktubre ng taong 2020, tiniyak ni Mayor Oca sa mga mamamayan ng Caloocan na naghahanda ang pamahalaang lungsod para masigurong makakukuha ng bakuna kontra CoVid-19.
“Hindi ako mangingiming ipambili ng CoVid-19 vaccine ang lahat ng pondo ng Caloocan basta maibigay lamang ito nang libre sa ating mga mamamayan,” ayon kay Mayor Oca.
(JUN DAVID)