SINABI ng director na si Joven Tan na sa isang bahagi ng kanyang pelikulang Suarez: The Healing Priest, ipinakita ang isang healing mass na pinangunahan ni Fr. Fernando Suarez mismo. Roon sa healing mass na iyon, ang highlight kaya isinali sa pelikula iyong “healing prayer” ni Suarez para sa lahat ng may sakit.
May ganoong video rin si Suarez na kumalat matapos na siya ay mamatay. Nagdarasal siya para sa lahat ng may sakit, at may nagsasabing sa pakikiisa nila sa panalangin sa video ay gumaling sila. Maraming ganyan, mga healer na yumao na, pero dahil nai-record ang kanilang panalangin, o kaya sa pamamagitan ng contact sa kanilang mga gamit, ang mga naniniwala sa kanila ay gumagaling din. Kung mga santo na, iyan ang tinatawag na relic.
Ang tanong, magkakaroon kaya ng mga himala na ang may sakit ay gagaling kung manonood sila ng pelikulang Suarez kahit sa internet lamang?
Hindi mo masasabi kung may mangyayaring ganoon. Kung kami kasi ang tatanungin, hindi kami pabor doon sa parang nagiging kulto na ang lahat. Pero maraming tao ang naniniwala, at kung humusay nga ba ang kanilang pakiramdam, bakit ka makikipagtalo sa kanila? Kagaya rin iyan niyong sumikat na “Toning” noong araw.
Kasabihan nga sa wikang Latin, ”ex opere operantis,” na ang ibig sabihin kung ang isang tao ay karapat-dapat sa biyaya mula sa Diyos, tatanggapin niya iyon kung gagawin niya ang pananalangin at ano mang mabubuting bagay na may kinalaman sa pananampalataya. Ano nga ba ang malay ninyo kung dinggin ng Diyos ang inyong panalangin kasabay ng dasal ni Suarez sa pelikula?
Dahil sa paniniwala natin na tayo’y dumaranas minsan ng sakit, at pinapayagan iyon ng Diyos para maranasan natin ang “kanyang pagpapagaling,” ano ang malay ninyo, baka nga kung magkaisa ang lahat iyan pa ang tumapos sa Covid.
HATAWAN
ni Ed de Leon