UMUUGONG na naman ang mga kuwento, na may ilang partido na raw ang nagbabalak na kausapin si Congresswoman Vilma Santos para tumakbo sa isang mas mataas na posisyon sa 2022. Nagpakita na kasi ng independent mind si Ate Vi, una nang hindi siya bumoto pabor sa death penalty. Ikalawa, roon sa pagpapasara ng ABS-CBN.
Doon sa death penalty, binantaan naman sila talaga ng niyon ay speaker na si Congressman Pantaleon Alvarez na aalisan sila ng committee chairmanship kung hindi sila boboto pabor doon. Si Ate Vi naman, sinasabi niyang kinausap niya ang mga lider sa Lipa at karamihan doon ay ayaw sa death penalty kaya bilang kinatawan nila, ganoon din ang naging boto niya. Inalisan siya ng committee.
Ganoon din naman sa kaso ng ABS-CBN, na desidido ang mayorya na alisan iyon ng franchise, pero ang naisip ni Ate Vi ang mawawalan ng trabaho, at ang tulong ng network kung panahon ng mga kalamidad kaya bumoto siya pabor sa franchise niyon.
Dahil sa mga desisyon niyang iyon, sinasabi nga ng marami na mabangong lalo ang pangalan ni Ate Vi, hindi lamang sa Batangas kundi maging sa iba pang lugar, at puwede na siya sa mas mataas na posisyon.
“Alam ninyo iyan. Noong nakaraang eleksiyon, ilan ang kumausap sa akin para kumandidatong vice president, pero tinanggihan ko. Kasi ang pakiramdam ko, kulang pa ang mga nagawa ko para sa Batangas at gusto kong dito na lang muna ako. Ikalawa, hindi ko maaaring talikuran ang tungkulin ko sa pamilya ko, at kung mas mataas na posisyon iyan, kailangan ko nang magpunta sa kung saan-saang lugar, paano na ang responsibilidad ko naman sa pamilya ko. Kaya ako happy na ako na hanggang Batangas na lang ako,” ang nagtatawang sabi ni Ate Vi. Oo nga naman, at baka sakaling makagawa pa siya ng pelikula, ano malay ninyo.
HATAWAN
ni Ed de Leon