IYONG isang malaking bahay na luma riyan sa Roosevelt Avenue na may mataas na bakod na bato ay alam na alam noon pa man ng mga tao roon na “bahay ni Fernando Poe.” Madalas na iyon ay ginagamit pa sa mga shooting ng pelikula ng tatay ni FPJ noong araw. Iyon ang kanilang ancestral home.
Kaya tama ang panukala ni Senate President Tito Sotto na ang Roosevelt ang tawaging FPJ Avenue. Roon ang kanilang ancestral home. Iyong nasa Del Monte Avenue, post production facilities lamang ng FPJ Productions. Iyong Roosevelt ay ipinangalan sa isang presidente ng Kano, na siyang nag-utos pa kay General Douglas Mac Arthur na iwanan na ang Pilipinas noong humihina na ang kanilang depensa. Iyong Del Monte Avenue, ay pinaikling San Francisco Del Monte, na siyang itinawag ni San Pedro Bautista sa lugar na iyon na natuklasan niya noong 1590. Ibinigay ng gobyerno sa kanya ang lupain na noon ay wala pang tao. Bahagi pa iyon ng bayan ng Kalookan na bahagi naman ng probinsiya ng Morong. Nagtayo siya ng simbahan, nagkaroon ng pamayanan at iyan ang Quezon City ngayon.
Siguro hindi naman napag-aralan nang husto iyan ni Senador Lito Lapid na siyang gumawa ng panukalang batas, at naisip niya mas dapat na tawagin iyong FPJ Avenue kaysa nga sa ipinangalan lang sa “isang marka ng juice.”
HATAWAN
ni Ed de Leon