USAP-USAPAN ngayon ang mamahaling sports car ni Daniel Padilla, na binangga ng isang tricyle riyan sa may West Fairview sa Quezon City kamakalawa ng hapon. Nang mabangga, bumaba sa kanyang minamanehong sasakyan ang actor, at sa halip na magalit sa medyo takot na tricycle driver dahil alam naman niyon na kasalanan nga niya ang nangyari, nakangiti lang si Daniel. Pinangaralan ang tricycle driver na mag-ingat sa kanyang pagmamaneho at sa susunod, sundin ang tamang distansiya sa pagmamaneho.
Hindi lang social distancing, pero ang regulasyon sa kalye, ang dapat na distansiya mo sa sinusundan mo ay mga tatlo hanggang limang metro, o kasing laki ng isang sasakyan. Mali iyong nagmamaneho nang nakatutok sa sinusundan.
Hindi naman masyadong malaki ang nasira sa kotse ni Daniel, pero siyempre dahil sports car iyon hindi naman maaaring pabayaan at hindi ipa-repair. Pero sa halip na pagbayarin ang nakabangga, na siguro alam naman niyang walang ibabayad, iyong nakabangga pa sa kanya ang binigyan niya ng pera.
Naiintindihan din ni Daniel ang kalagayan niyong tricycle driver. Isipin ninyo, ilang buwan din nga naman silang walang hanapbuhay dahil sa nangyaring lockdown. Bale ngayon lang sila nakakapasada, kung pagbabayarin pa nga niya iyon, saan naman iyon kukuha?
Pero marami nang ganyang kuwento tungkol kay Daniel. Noong araw nga may kuwento pa iyong isang matandang babae na tumigil ang kotse ni Daniel sa harap niya habang nagtitinda siya ng chewing gum sa kanto, pinakyaw ng actor ang lahat ng tindang chewing gum, at binigyan siya ng sobra pang pera, at sinabihang huwag nang magtitinda roon dahil delikado. Ayon sa matanda, ang naging ayuda ni Daniel ang naging puhunan niya para mag-iba ng hanapbuhay. Nagtitinda na lang siya ngayon ng lutong ulam sa harap ng kanilang bahay.
HATAWAN
ni Ed de Leon