UNTI-UNTING ibinabalik ng Cebu Pacific (CEB), ang leading carrier sa bansa, ang kanilang international flight network na sisimulan ng mga biyahe sa pagitan ng Maynila at ilang pangunahing destinasyon sa Asia, simula bukas, 1 Agosto.
Bukod ito sa isang-beses isang linggong biyahe sa pagitan ng Maynila at Dubai na nagsimula nitong Hulyo.
Simula bukas, 1 Agosto 2020, ang CEB ay sasalipawpaw dalawang beses kada linggo mula Tokyo (Narita) patungong Maynila (Miyerkoles at Sabado).
Sa 6 Agosto, ang CEB ay lilipad dalawang beses kada linggo (Huwebes at Sabado) sa pagitan ng Maynila at Singapore; at tuwing Huwebes mula sa Seoul (Incheon) patungong Maynila.
Dalawang beses na flight din kada linggo tuwing Miyerkoles at Biyernes sa pagitan ng Taipei at Maynila simula 7 Agosto. Kasabay nito ang one-way flights patungong Maynila mula Osaka (Kansai) sa nasabing petsa.
“We are taking a conservative and agile approach to rebuilding our international network. While demand remains soft, there is latent demand for travel, particularly from stranded individuals and those who are eager to come home to visit their families,” ani Candice Iyog, Vice President for Marketing and Customer Experience ng Cebu Pacific.
Ipatutupad kung kinakailangan ang mga regulasyon sa pagbibiyahe na inisyu ng mga pamahalaan ng Filipinas, Japan, South Korea, Singapore at Taiwan. Kabilang sa mga rekesitos na ito ang negatibong RT-PCR test bago ang kanilang pag-alis, mandatory COVID screening, at mandatory 14-day quarantine pagdating.
“We have taken extra precautions and assure travelers that preventive measures are in place so we can start rebuilding the trust and confidence in air travel,” dagdag ni Iyog.
Pinaigting ng CEB ang preventive measures sa kabuuang operasyon, alinsunod sa global safety standards.
At sa kabuuan ng aviation industry, asahan ng mga magbibiyahe ang salansan ng bio-security measures mula sa pag-check-in online.
Ipinatutupad ang contactless flight procedures sa pamamagitan ng scanners para matiyak ang physical distancing.
Mula sa ground facilities hanggang sa aircraft, ang CEB ay may cleaning at disinfection protocol. Lahat ng CEB aircraft ay sumasailalim sa maigting na disinfection araw-araw bago at pagkatapos ng biyahe.
Ang jet aircraft ay mayroong High Efficiency Particular Arrestor (HEPA) filters gaya sa mga operating rooms ng ospital. Kayang-kaya nitong linisin ang lahat ng contaminants kabilang ang novel coronavirus, na may 99.99% efficiency.
Nagbigay rin ng kaunting kaluwagan ang CEB sa kanilang mga polisiya gaya ng flexibility at karagdagang peace of mind base sa itinatakda ng biyahe sa kasalukuyang sitwasyon.
Kabilang rito ang unlimited rebooking at ekstensiyon ng travel fund validity sa loob ng dalawang taon. Para sa mga pasaherong kanselado ang biyahe, o doon sa mga may boluntaryong plano sa pagbibiyahe, maaari silang tumungo sa “Manage Booking” portal sa Cebu Pacific website (http://bit.ly/CEBmanageflight).
Para sa iba pang impormasyon, maaaring tumungo sa FAQs: https://bit.ly/CEBfaqs