BUKAS na sa publiko ang ikatlong walk-in COVID-19 testing center sa lungsod ng Maynila.
Matatagpuan ito sa Justice Jose Abad Santos General Hospital sa Binondo.
Libre rin ang COVID-19 serology test sa ospital gaya ng iba pang walk-in testing centers sa lungsod.
Nasa 100 tao ang maaaring ma-accomodate ng testing center para sa COVID-19 test na bukas mula Lunes hanggang Biyernes.
Kaya nitong makapagproseso ng 300 hanggang 500 samples kada araw.
Pang-peace of mind, para sa trabaho, may sintomas ng sakit o wala, puwedeng magpasuri, ayon kay Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na siyang nanguna sa launching ng walk-in testing center.
Nauna nang inilunsad ng Manila LGU ang walk-in testing centers sa Ospital ng Sampaloc at Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center.
Iba pa ang drive-thru testing center sa tapat ng Andres Bonifacio Shrine, Quirino Grandstand, at dalawang mobile testing trucks.
Sinabi ni Moreno, aabot sa P5 bilyon ang nagastos ng lokal na pamahalaan ng Maynila para sa COVID-19 response, kasama ang libreng mass testing.
Pinasalamatan ng alkalde ang lahat ng mga sumusuporta at nagkakaloob ng donasyon, malaki man o sa maliit na halaga. (VV)