SIMULA kahapon, 1 Hulyo ay maaari nang magproseso at magbayad ng buwis nang hindi kinakailangang pumunta sa city hall ang mga residente at negosyante sa lungsod ng Mandaluyong.
Pinangunahan ni Mayor Menchie Abalos ang pagpapatupad ng online payments ng buwis ng mga business at real property bilang isa sa mga makabago at angkop na pamamaraan sa paghahatid ng pangunahing serbisyo ng pamahalaang lungsod.
Hinihikayat ang mga may-ari ng existing businesses at rehistradong real property na i-access sa internet ang https://online.mandaluyong.gov.ph at gumawa ng account sa online business portal.
Bawat indibidwal o user ay maaaring irehistro ang kanyang negosyo o real property para mabayaran ang mga kaukulang buwis.
Ang bawat negosyo o property ay daraan sa validation gamit ang mga isinagot na existing business permit number o tax declaration number at mga official receipts (OR) ng binayarang buwis ng nakaraang taon.
Pagkatapos nito ay makikita na ang babayarang buwis at puwede na itong bayaran sa Land Bank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines.
Ang paggamit ng digital technology ng pamahalaang lungsod sa mga serbisyo nito ay hindi lamang nagpapadali at nagpapagaan ng pagbayad at pagkolekta ng buwis kundi isa rin itong solusyon para mapatupad ang social distancing sa pagitan ng mga empleyado ng gobyerno at ng mga Mandaleño para sa nasabing transaksyon habang umiiral ang pandemyang dulot ng COVID-19.
Sinabi ni Mayor Abalos, tinitingnan nila kung anong mga serbisyo ng pamahalaang lungsod ang puwede nilang i-automate o gamitan ng digital technology.
Ito ay para hindi lang mapabilis ang mga serbisyo para sa mga Mandaleño kundi para masunod ang minimal health standards na mahigpit na ipinapatupad ng pamahalaan at para maging akma sa tinatawag na new normal na pamumuhay.
Para sa karagdagang impormasyon o registration assistance, tumawag po sa City Information Technology Department (ITD): 8532-5001 to 28 locals 514 o 530 at sa 8533-5304 (direct line).