SA KABILA ng pagtutol at kritisismo ng publiko, sinigurado ni Senate President Vicente Sotto III na hindi na kakailanganin pang magdeklara ng martial law sa bansa oras na maisabatas ang kontrobersiyal na anti-terrorism bill.
Marami ang nagpahayag ng pagtutol sa pagpasa ng Kongreso sa naturang panukala sa takot na maging target ang mga indibiduwal na magpapahayag ng kanilang saloobin laban sa gobyerno.
“Ang hinihiling ng Kongreso, kung mapapalitan natin ‘yung Human Security Act, sapagkat ‘yung Human Security Act natin, ‘yung kasalukuyan nating anti-terror bill natin, ito ang pinakamahina sa buong mundo, hindi lang dito sa part ng Asia,” paliwanag ni Sotto sa isang interview.
Dagdag ni Sotto, mayroon lamang apat na pagkakataon na maaaring ituring na terorista ang isang tao sa ilalim ng Human Security Act.
Itinanggi rin ng Senador na minadali ang paglusot sa Kongreso ng naturang panukala.
Aniya, unang isinulong noong 2018 ang anti-terrorism bill at naaprobahan lamang ng Senado ngayong taon.
Kaya umano ito sinertipikahan bilang urgent ni President Rodrigo Duterte ay upang matapos na ng Kongreso ang kanilang deliberasyon tungkol sa panukala bago mag-adjourn.
“Sinabi ni Presidente sa kanila hindi porke ini-certify na urgent ay minadali. It’s just doing away with the three-day rule,” saad ng senador.
(CYNTHIA MARTIN)